top of page
Search
  • BULGAR

Tuloy ang serbisyo, tuloy ang malasakit

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | October 20, 2021


Kahit na tatakbo ang inyong lingkod bilang Bise-Presidente ngayong eleksiyon, walang tigil ang ating pagseserbisyo sa bayan, lalo na sa mga pinakanangangailangan. Ito ang ipinangako natin sa taumbayan na ating tutuparin nang buong puso, anuman ang magiging kapalaran natin sa pulitika o sa mundong ito.


Binigyan tayo ng oportunidad ng Diyos, ni Pangulong Rodrigo Duterte, at ng taumbayan na manilbihan kung kaya’t hindi natin ito sasayangin. Magiging tulay tayo para sa mga ordinaryong mamamayan upang marinig ang kanilang hinaing, masolusyunan ang kanilang problema, at mag-iwan ng ngiti sa oras ng kanilang pagdadalamhati.


Alam nating hindi maiiwasan ang pulitika sa ating paligid, lalo na sa panahon ngayon. Ngunit ang pakiusap natin sa kapwa lingkod-bayan, tutukan muna ang hangaring malampasan ang krisis na ating hinaharap bago ang halalan.


Kailangang walang Pilipino ang maiiwan sa muling pagbangon bilang nagkakaisa at mas matatag na bansa. Bayanihan at bakuna muna bago ang pulitika. Dahil kung hindi natin ito malalampasan, baka wala na tayong pulitikang pag-uusapan.


Kaya rin sinisiguro nating protektado ang lahat sa pamamagitan ng bakuna. As of October 18, 2021 ay meron nang 52.78 milyong doses ng bakuna kontra COVID-19 ang naiturok na, kung saan 28.28 milyong Pilipino ang naturukan ng kanilang first dose at 24.49 milyon naman ang nakakumpleto na ng bakuna. Meron na ring kabuuang 91.57 milyong doses ang dumating na sa ating bansa. Patuloy ito hanggang marating natin ang herd immunity sa lalong madaling panahon tungo sa pagbalik sa normal nating pamumuhay.


Tulad din ng sabi natin noon, hindi natin lilimitahan ang pagseserbisyo sa loob lang ng Senado.


Bukod sa legislation, parte ng ating tungkulin ang constituency services at representation.


Kung kaya’t noong Lunes, Oktubre 18 ay binisita natin ang mga bayan ng Buguey at ng Santa Teresita sa Cagayan na sinalanta ng Bagyong Maring. Naghatid tayo ng mga tulong sa mga kababayan nating tinamaan ng kalamidad, na dagdag sa hirap na dinaranas nila na dulot ng kasalukuyang pandemya. Sa kabila ng ating tungkulin sa lehislatibo, hindi natin dapat kalimutan ang pangunahing dahilan kung bakit nandito tayo sa gobyerno at ito ay ang magserbisyo sa mga tao sa anumang oras o saan mang sulok ng bansa.


Sa araw ring iyon, bumisita tayo sa Tuguegarao City upang magsagawa ng monitoring visit sa Malasakit Center sa loob ng Cagayan Valley Medical Center. Ito ay upang masiguro nating patuloy na maayos ang operasyon sa pagbibigay-tulong medikal para sa mga mahihirap na mga pasyente.


At kahapon, Martes, personal nating binuksan ang ika-144 na Malasakit Center sa Marinduque Provincial Hospital sa bayan ng Boac. Ito ay bilang pagtupad sa pangako na magbubukas tayo ng Malasakit Center sa maraming lugar sa bansa, malaki o maliit man na probinsiya. Hindi na kailangan ng mga taga-Marinduque na maglakbay pa at pumunta ng mainland Luzon o Metro Manila upang humingi ng tulong medikal.


Sa pamamagitan ng Malasakit Center na ating isinabatas, patuloy nating ihahandog ito sa iba’t ibang parte ng bansa dahil naniniwala kami ni Pangulong Duterte na hindi dapat pahirapan ang pagkuha ng tulong mula sa gobyerno lalo na pagdating sa pangkalusugan.

Ang pakiusap natin sa susunod na administrasyon — kung sinuman ang pipiliin ng taumbayan — ay sana ay maipagpatuloy ang magagandang programang nasimulan natin upang maisakatuparan ang pagbabagong ipinaglaban ni Pangulong Duterte tungo sa mas komportable at maunlad na buhay para sa susunod na henerasyon na mga Pilipino.


Katulad ng ipinangako natin sa mga Pilipino, saanmang sulok ng Pilipinas ay pupunta tayo basta kaya ng ating katawan at oras. Mula Batanes hanggang Tawi-Tawi, dadalhin natin ang gobyernong may malasakit sa tao, lalo na sa mga walang matakbuhan. Sila ang prayoridad natin, kapakanan nila ang ipinaglalaban dito!


Kapalit ng inyong tiwala at suporta, ibabalik natin ang serbisyong may malasakit, tunay at nararapat. Gusto nating maalala, hindi lamang bilang senador—o kung mamarapatin ng Diyos, bilang bise-presidente—kundi, tagapaglingkod na masasandalan at malalapitan ng ordinaryong Pilipino sa oras ng kanilang pangangailangan.


 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page