top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Tuloy ang malasakit, tuloy ang serbisyo

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Dec 16, 2021
  • 3 min read

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo |December 16, 2021



Mahigit dalawang dekada nang nakalipas noong nagsimula bilang aide ni dating mayor at ngayo’y President Rodrigo Duterte ang inyong lingkod. Hanggang ngayon, patuloy pa rin nating isinasapuso ang mga prinsipyong ating natutunan sa kanya tulad ng pagbibigay-halaga sa ikabubuti ng ating mga pinaglilingkuran, lalo na ang mahihirap, walang nalalapitan at nawawalan ng pag-asa.


Noon pa man, alam na natin ang pagtulong sa kapwa Pilipino ay hindi lamang para sa mga nakaupo sa gobyerno pero para rin sa lahat ng may kakayahang tumulong kahit ano pa man ang estado sa buhay. Naniniwala tayong moral na responsibilidad para sa mga may kakayahang tumulong sa mga nangangailangan sa paraang buo, totoo at malinis ang intensiyon.


Kahapon, pormal na tayong nag-withdraw ng ating kandidatura sa pagka-Pangulo sa halalan sa 2022. Katulad ng sinabi natin noon, hindi natin inambisyon na maging Pangulo. Serbisyo lang talaga. Talagang nagre-resist ang ating puso at isipan sa ating pagtakbo. Ayaw nating bigyan pa ng dagdag-problema si Pangulong Duterte at ayaw rin ng pamilya natin.


Matagal na tayong desididong umatras, naghahanap lang tayo ng sapat at tamang panahon para ipaliwanag sa mga supporters ang desisyon. Pumunta na tayo kahapon sa COMELEC sa Intramuros para gawing pinal ang ating withdrawal dahil meron tayong isang salita.


At sa kabila ng ating pag-atras, tuluy-tuloy pa rin ang ating pagseserbisyo sa abot ng ating makakaya — andito pa rin tayo bilang inyong Kuya Bong Go.


Kahit saanman tayo dadalhin ng tadhana, ang inyong lingkod pa rin ang Bong Go na inyong nakilala higit 20-taon nang nakaraan. Kahit anumang krisis o suliranin ang haharapin natin, gagawin natin ang ating makakaya para makapag-abot ng tulong sa ating kapwa. Walang nagbago sa hangarin nating maglingkod dahil naniniwala tayong ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.


Ang mahalaga ay maipagpatuloy ang mga magagandang pagbabago na sinimulan ni Pangulong Duterte, kasama na ang Build Build Build program, libreng edukasyon, Malasakit Centers program at pandemic response. Sisiguraduhin nating hindi masasayang ang ating pinaghirapan sa nakaraang higit limang taon tungo sa pagbibigay ng mas ligtas at komportableng buhay sa ating kapwa, lalo na sa susunod na henerasyon.


Kaya naman, sa pagpasok ng panahon ng Pasko, at sa darating na eleksiyon sa susunod na taon, hinihiling natin sa mga nakaupo at tatakbo na gawing prayoridad ang kalusugan, kapakanan at kaligtasan ng taumbayang ating pinagsisilbihan.


Samantala, masaya nating ibalita na noong Lunes, December 13, 2021 ay naipasa na sa third and final reading sa Senado ang Senate Bill No. 1411 na naglalayong mas palawakin at pagbutihin ang mga benepisyong ibinibigay natin sa halos 14 milyong solo parents sa bansa. Mahirap maging solo parent bilang breadwinner at caregiver ng inyong pamilya. Nararapat lamang na bigyan natin sila ng dagdag-suporta, lalo na sa panahon ng pandemya.


Naipasa na rin sa Senado ang isa pang panukalang ating ipinaglaban upang maitatag ang Department of Migrant Workers. Masakit makitang iniiwan nila ang kanilang mga mahal sa buhay upang makapagtrabaho sa malalayong bansa at mabigyan ng mas magandang kinabukasan ang kanilang pamilya. Kaya suklian natin ng mas maayos at mabilis na serbisyo ang kanilang sakripisyo. Sa wakas, maisasakatuparan na natin ang isa sa mahahalagang pangako ni Pangulong Duterte.


Masaya natin ibabahagi na higit 166.9 milyong bakuna laban sa COVID-19 ang natanggap ng Pilipinas at 97.24 milyong doses na ang naibigay. Sa numerong ito, 54.91 milyong Pilipino ang nabigyan nang kanilang unang dose habang 41.51 milyon katao naman ang fully vaccinated.


Para mas maproteksiyunan pa tayo sa mga variant, nakapagbigay na rin tayo ng 809,550 na booster shots. Hindi tayo titigil hanggang marating ang herd immunity at masigurong ligtas ang lahat dahil importante sa atin ang buhay ng bawat Pilipino.


Sa panahon ng mga pagsubok, hiling natin sa inyong lahat na ipagpatuloy ang malasakit at pagbibigay-tulong na walang hinahangad na kapalit. Hindi lamang ito ang kahulugan ng bayanihan, kundi ito ang tunay na diwa ng Kapaskuhan.


Sama-sama nating ipagdasal ang isang ligtas at makabuluhang Pasko para sa lahat!


Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page