Tulad daw ng nangyari kay Marcos, Sr… TESSIE TOMAS: MGA KORUP, ‘DI TATAGAL!

ni Janiz Navida @Showbiz Special | July 28, 2026

Photo: IG _akotessietomas
In good mood ang veteran actress-comedienne-TV host na si Ms. Tessie Tomas nang dumalo sa movies launching ng A&S Productions last Thursday sa Manila Hotel, kung saan isa ang pelikula nila nina Nova Villa at Noel Trinidad na Senior Moments sa mga pelikulang ginawa ng movie production company ni Ms. Sucil Nipa.
Happy si Tita Tessie na finally, maipapalabas na sa mga sinehan ngayong August, 2026 ang Senior Moments na aniya ay isang napakamakabuluhang pelikula at maraming senior citizens ang tiyak na makaka-relate sa kuwento.
Dahil nakilala namin si Tita Tessie bilang isang matalino at napakaprangkang aktres, hiningan namin ito ng opinyon bilang isang senior citizen kung ano ang nararamdaman niya sa mga nangyayaring problema ngayon sa bansa.

Bungad nito, “Well, alam mo naman ako, taga-UP ako eh, kaya I’m very politicized person and I want to be counted.
“Ahhh, nakakagulat na umabot tayo d’yan sa male-maletang milyones. Imbes na mag-improve, nag-deteriorate tayo. Tapos, may mga nakukulong sa plunder cases and all.
“Sana lang mag-improve at matauhan ‘yang mga corrupt politicians, na it never pays to do this because nakita naman natin ang kinahinatnan ni Marcos (Sr.) at ng mga iba pang dictators. We should learn from that. Even Trump (US president), he will not last.”
At sa nangyayari raw sa atin ngayon, idinadaan na lang ni Tita Tessie sa dasal for world peace.
Tama nga naman. Kapag ‘di na natin kontrolado ang sitwasyon, idaan na lang sa dasal at ipaubaya na kay Lord.
Anak, todo-enjoy naman daw… GOV. VILMA, INUUMAGA SA PAGTUTURO KAY CONG. RYAN KUNG PAANO GUMAWA NG BATAS

BILANG ina, siyempre ay very proud si Batangas Governor Vilma Santos-Recto para sa bunsong anak na si Cong. Ryan Christian Recto, na sa unang term pa lang bilang representative ng 6th District ng Batangas ay kinakikitaan na ng sipag at dedikasyon sa kanyang trabaho.
At masuwerte si Cong. Ryan dahil kahit gaano kaabala si Gov. Vi para sa kanyang sariling programang H.E.A.R.T.S. sa Batangas, basta lumapit ang anak ay laging may time ang ina ng lalawigan para makinig at magpayo.
Kuwento nga sa amin ni Gov. Vi nang makapanayam siya ng mga kaibigang entertainment media pagkatapos ng ginanap na State of the Province Address niya last week, inaabot sila ng 3 AM ni Cong. Ryan dahil kapag may mga hindi pa ito masyadong naiintindihan sa paggawa ng batas, sa kanya lumalapit.
At dahil kumuha ng crash course sa Public Administration sa University of the Phils. ang dating Lipa mayor at congresswoman na ngayon ay balik-gobernador sa Batangas, ipinapasa niya sa anak na kongresista ang kanyang mga natutunan at naging karanasan para mai-apply naman nito ngayon.
At hindi lang talino ang ipinapasa ni Gov. Vilma sa kanyang anak kundi pati ang puso sa paglilingkod, kaya no wonder na positive rin ang feedback ng mga Batangueño sa performance ni Cong. Ryan Christian Recto.
Well, sabi nga, kung ano ang puno, siya rin ang bunga!

Photo: FFCCCII officers by Jazzmars Santos
MATAPOS dalhin sa ‘Pinas ang sikat na Chinese actress na si Zhang Yingfei a.k.a. Linda Walker ng Chinese vertical series na The Heiress Who Won With Brains, ang Chinese box office hit movie naman sa Asya na Dear You (Love Letters to Grandma, original title in Chinese) ang dinala sa Pilipinas ng Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce and Industry, Inc. (FFCCCII) in partnership with Anvil Business Club.
Inianunsiyo ito sa ginanap na mediacon sa Kamuning Bakery last July 24 kung saan present ang mga officers ng FFCCCII sa pangunguna ng presidente nitong si Mr. Victor Lim.
Kasama niyang humarap sa mediacon sina FFCCCII Public Information Committee Co-Chairman Eduardo Cobankiat, Assistant Secretary General Gino Chen, Anvil Business Club President William Lim Jr., at Pandesal Forum moderator Wilson Lee Flores.
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Pres. Victor Lim ang walang hanggang misyon ng pederasyon na itaguyod ang napapanatiling pag-unlad, edukasyon, palitan ng kultura, at international goodwill.
"Ang kultura ay may kapangyarihang pag-isahin ang mga tao sa kabila ng mga hangganan," sabi ni Lim, na binanggit na ang mga pelikulang tulad ng Dear You ay nagbibigay-inspirasyon lalo’t ang pelikula ay nagtuturo ng magandang family values.
Ang Dear You ay nagsasalaysay ng isang nakakaantig na kuwento ng karanasan ng mga Tsino sa ibang bansa sa pagitan ng Thailand at timog Tsina, na nagsasaliksik ng mga tema ng pamilya, sakripisyo, katatagan, migrasyon, at pag-asa.
Sinabi ni Lim na ang mga unibersal na halagang ito ay malakas na sumasalamin sa milyun-milyong Overseas Filipino Workers (OFW) at kanilang mga pamilya, na ang mga sakripisyo ay patuloy na nagpapanatili sa bansa.
Sinusuportahan ng FFCCCII ang dalawang paunang pagpapalabas ng Dear You sa Agosto 5 sa SM Mall of Asia IMAX Theatre at, sa pakikipagtulungan sa Anvil Business Club, sa Agosto 8 sa SM North EDSA.
Inaabangan na kung sinu-sinong mga local stars natin ang darating sa mga naturang screening bilang suporta sa pelikula.





Comments