top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Tugisin ang mga nagbebenta ng ‘fake negative swab test’!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Mar 26, 2021
  • 3 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | March 26, 2021



Lahat na halos nang pakulo ay naisip na ng pamunuan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Disease (IATF-EID) para sugpuin ang patuloy na pagkalat ng COVID-19 sa bansa.


Magkakaibang lebel na ng community quarantine ang naipatupad na, na bahagyang humupa naman ang pagkakahawa-hawa bago matapos ang nakaraang taon, ngunit muli na naman itong sumirit.


Ngayon ay mas mabilis na ang pagkakahawa-hawa dahil sa kung anu-anong bagong variant na ang naglalabasan na higit na mas mabilis kumalat kumpara sa ipinatutupad nating pagbibigay ng bakuna sa buong bansa.


Marami rin sa ating mga kababayan ang nasisisi dahil umano sa hindi pagsunod sa pinaiiral na health protocol tulad ng tamang pagsusuot ng face mask, face shield, pagsunod sa physical distancing at regular na paghuhugas ng mga kamay.


Ngunit isa sa pinakatalamak sa kasalukuyan ay ang bentahan ng pekeng negative swab test na posibleng hindi gaanong nabibigyang-pansin, ngunit isa ito sa nakikitang dahilan nang mabilis na pagkalat ng COVID-19 sa bansa.


Bukod sa personal na transaksiyon ay lantaran ang bentahan nito online sa halagang P2,000 hanggang P3,000 at agad na makukuha na ang pekeng resulta ng swab test na kumpleto naman sa detalye.


Karamihang ginagamit ang mga pekeng resulta ng swab test na ito ng mga kababayan nating ayaw dumaan sa tamang proseso ngunit nais magsiuwi o magbakasyon sa kani-kanilang probinsiya.


Walang pakialam ang mga nagbebenta nito kung positibo o hindi ang bumibili ng pekeng resulta ng swab test dahil ang mahalaga sa kanila ay kumita at posibleng isa ito sa malaking dahilan kaya hindi maampat ang pagkalat ng COVID-19 sa bansa.


Idagdag pa ang kawalan ng sapat na kaalaman ng mga nakalatagang operatiba sa mga checkpoint sa pagpasok sa mga lalawigan kaya mabilis na nakakalusot ang mga pekeng swab test.


Patunay nito ang dalawang inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) kamakailan na nagbibenta ng pekeng swab test result na karaniwang ginagamit sa pagpasok sa Bohol.


Anim na turista din ang nasakote sa Boracay noong Disyembre na may bitbit na pekeng resulta ng swab test na umano’y nagsipagbayad ng P3,000 para sa pekeng RT-PCR test galing sa pribadong laboratory.


Dalawang babae rin ang dinampot sa pagbibenta ng pekeng swab test result sa loob ng TJ Computer Shop sa Barangay 177, Caloocan City matapos magsagawa ng entrapment operation ang pulisya.


Nasamsam ang dalawang desktop computers with hard drives, 2 printers, 1 photocopying machine, 1 scanner at maraming sample ng mga pekeng swab test result mula sa iba’t ibang medical clinic at laboratory.


Maging ang pamunuan ng Philippine Red Cross ay nabulabog dahil sa naglipanang fake COVID-19 saliva tests na iniaalok sa ilang shopping mall sa Metro Manila isang buwan bago lamang ito payagang gamitin.


Bukod sa mas mura na ay mas mabilis pa na makukuha ang pekeng saliva test at kung nais mo na makasiguro ng negatibong resulta ay may karagdagang bayad lamang.


Sa ngayon ay dapat maging maingat ang ating mga kababayan dahil lubhang napakadelikado nang paggamit ng mga pekeng swab result dahil malaking kadahilanan ito para patuloy pang kumalat ang naturang virus.


Marahil ay panahon na para magkaroon ng partikular na disenyo at kakaibang uri ng papel na dapat ginagamit ng lahat ng mga ahensiya na opisyal na nagri-release ng tunay na swab test result mula sa accredited COVID-19 laboratories.


Dapat ding unahing turuan ang mga operatiba na nakatalaga sa mga checkpoint kung paano tutukuyin ang mga peke o tunay na swab test result upang hindi tayo napaglalalangan ng mga sindikatong ito.


Sa kasalukuyan ay lantaran pa rin ang bentahan nito online lalo pa at ipinatutupad ang NCR Plus Bubble at napakarami ang nais na tumawid dahil nais magbakasyon ngayong paggunita ng Mahal Na Araw.


Sa mga nagbebenta ng pekeng swab test result, hindi imposibleng isa sa mga nabentahan ninyo ay nakahawa at ang kanyang nahawa ay namatay samantalang kayo ay walang kamalay-malay na marami na pala ang inyong napatay!


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page