Transport sector, kaisa na rin sa paglaban sa katiwalian
- BULGAR

- Sep 16
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | September 16, 2025

Tuwing may tigil-pasada, ang totoong naiipit ay mga ordinaryong pasahero -- mga estudyanteng kailangang makapasok sa klase, mga manggagawang dapat makarating sa opisina, at iba pang umaasa sa pampublikong transportasyon.
Ang nationwide transport strike ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) at Manibela ngayong Setyembre 17 hanggang 19 ay muling magdadala ng matinding hamon sa paggalaw ng publiko, hindi lamang sa Metro Manila kundi sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ayon kay Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chair Teofilo Guadiz III, hindi umano ito inaasahan na lubusang makakaapekto sa public mobility.
Handa naman ang Department of Transportation (DOTr), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), at mga lokal na pamahalaan sa contingency measures, katulad ng libreng sakay gamit ang military trucks, buses, at mga modernized PUVs, gayundin ang pagtatakda ng alternatibong ruta para maibsan ang abala sa mga komyuter.
Subalit, gaano man karami ang planong alternatibo, malinaw na hindi matutumbasan ng gobyerno ang perhuwisyong idudulot ng tigil-pasada sa mga kababayan.
Sa kabilang banda, binigyang-diin ng mga transport group na hindi simpleng usapin ng pamasahe o prangkisa ang kanilang ipinaglalaban. Para sa kanila, katarungan para sa lahat na nagiging biktima ng korupsiyon.
Mariin nilang tinutuligsa ang umano’y katiwalian sa flood control projects, kung saan
ang buwis mula sa diesel na araw-araw nilang binabayaran ay ginagamit lang anila, para sa marangyang pamumuhay ng ilang opisyal at kanilang pamilya. Sa madaling salita, sila ang pumapasan ng bigat habang ang mga nasa itaas ay nagpapakasasa.
Ang strike ay hindi lang pahayag ng hinaing ng mga tsuper, kundi sumasalamin din ng malawak na pagkadismaya ng taumbayan sa ating sistema.
Kung ang salitang sakripisyo ay araw-araw na bahagi ng buhay ng jeepney drivers, bakit tila hindi ito natutumbasan ng malasakit mula sa mga dapat nagsisilbi sa bayan?
Ang tigil-pasada ay hindi simpleng pagtigil ng biyahe ng mga transportasyon. Isa itong paghinto upang magpahinga at manindigan laban sa kawalang katarungan.
Kung ang kinauukulan ay patuloy na ipagwawalang-bahala ang hinaing ng sektor ng transportasyon, baka dumating ang panahon na hindi lang ang mga ito ang tumigil, kundi ang mismong tiwala ng buong sambayanan.
Kaya sa ating gobyerno, ‘wag nang magpatumpik-tumpik, tuldukan ang katiwalian sa ating bayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments