top of page

Totoong pang-anti-political dynasty ang panukala ng Makabayan bloc, ‘yung kina Cong. Sandro at Speaker Bojie, peke raw?!!!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Dec 15, 2025
  • 2 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | December 15, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


PABIDA NINA PBBM AT OMBUDSMAN REMULLA NA MAY MGA SENADOR AT EX-SENATORS NA MAGPA-PASKO SA CITY JAIL, SASABLAY? – Tila yata sasablay sina Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. (PBBM) at Ombudsman Boying Remulla sa pabida nila na may mga "bigfish" o mga senador at ex-senators na sangkot sa flood control scandal ang magpa-Pasko sa city jail.


Ngayon kasi ay December 15, 2025 na, 10 araw na lang ay Pasko na, pero wala pa rin isinasampang kaso ang Ombudsman sa Sandiganbayan laban sa mga kurakot na senador at ex-senators na sangkot sa flood control projects scam, boom!


XXX


PANUKALANG ANTI-POLITICAL DYNASTY NG MAKABAYAN BLOC, MAKATOTOHANAN, ANTI-POLITICAL DYNASTY NINA CONG. SANDRO AT SPEAKER BOJIE, PEKE RAW? – Mas mainam umano ang anti-political dynasty bill na inihain ng Makabayan bloc—na kinabibilangan nina Kabataan Partylist Rep. Renee Co, Gabriela Partylist Rep. Sarah Elago, at ACT Teachers Partylist Rep. Antonio Tinio—kesa sa panukalang inihain nina Presidential Son, Ilocos Rep. Sandro Marcos, at Speaker Bojie Dy.


Sa panukala ng Makabayan bloc, hanggang ika-4 na antas ng magkakapamilyang pulitiko ang ipinagbabawal sabay-sabay na tumakbo, at isa lamang mula sa bawat angkan ang papayagang kumandidato sa anumang posisyon. Samantalang sa panukala nina Cong. Sandro at Speaker Bojie, hanggang ika-2 antas lamang ang bawal, at ipinagbabawal lamang ang sabay na manungkulan o magpalit-palit sa iisang posisyon. Pinapayagan pa rin ang magkakapamilya na sabay-sabay kumandidato, basta’t magkakaibang posisyon at magkakaibang distrito, probinsya, lungsod, o munisipyo ang kanilang tatakbuhan.


Ang malinaw na punto rito: ang panukala ng Makabayan bloc ay tunay na anti-political dynasty, samantalang ang panukala nina Cong. Sandro at Speaker Bojie ay peke, dahil mas pinapaboran nito ang political dynasty, period!


XXX


KAPAG MAY ICC-WARRANT OF ARREST NA, PARANG SINABI NI DILG SEC. JONVIC REMULLA, WALA NANG KAWALA AT TIMBOG AGAD SI SEN. DELA ROSA – Inanunsiyo ni Sec. Jonvic Remulla ng Department of Interior and Local Government (DILG) na binabantayan na ng Philippine National Police (PNP) ang galaw ni Sen. Ronald Dela Rosa.


Bagama’t hindi ito direktang sinabi ni Sec. Remulla, ipinahiwatig niya sa kanyang pahayag na sakaling may hawak na International Criminal Court (ICC) warrant of arrest ang PNP, madali nang matitimbog ang senador at maitaturnover sa Interpol upang ikulong sa ICC detention facility. Abangan!


XXX


KAPAG KUMANDIDATO PA RIN SINA SEN. ROBIN PADILLA AT MAYOR VICO SOTTO SA 2028 ELECTION, PAREHO SILANG WALANG PALABRA DE HONOR – May kumakalat na isyu sa social media na diumano’y nagkomento si Sen. Robin Padilla sa post ng isang Duterte Diehard Supporter (DDS) na hindi na raw siya kakandidato sa 2028 elections. Nauna rito, naglabas din ng pahayag si Pasig City Mayor Vico Sotto na hindi rin siya tatakbo sa anumang posisyon sa 2028 elections.


Dapat panindigan nina Sen. Padilla at Mayor Vico ang kanilang mga sinabi. Kapag bumalik sila sa kandidatura, tiyak na sasagasaan sila ng bashers sa social media at pagtatawanan na walang salita o palabra de honor ang kanilang mga pahayag, period!


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page