Totoo ba na 10 years na ang validity ng driver’s license?
- BULGAR

- Nov 30, 2020
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | November 30, 2020
Dear Chief Acosta,
Matagal na akong nagtrabaho sa ibang bansa at nagnanais na magtrabaho bilang driver sa Pilipinas. Kaugnay nito, parang may nabalitaan akong mahaba na diumano ang buhay ng lisensiya sa pagmamaneho. Totoo ba na sampung (10) taon na ang validity ng driver’s license? – Tonyo
Dear Tonyo,
Ang sagot sa inyong katanungan ay hindi po. Para sa inyong kaalaman, nakasaad sa Section 23 ng Republic Act (R.A.) No. 4136, o mas kilala sa tawag na Land Transportation and Traffic Code, inamyendahan ng R. A. No. 10930, na ang buhay diumano ng lisensiya sa pagmamaneho ay limang (5) taon lamang, viz:
“Except for student permits, all drivers' licenses shall be valid for five (5) years reckoned from the birthdate of the licensee, unless sooner revoked or suspended: Provided, however, That subject to Section 26 hereof, any holder of a professional or nonprofessional driver's license who has not committed any violation of Republic Act No. 4136 and other traffic laws, rules and regulations during the five (5)-year period shall be entitled to a renewal of such license for ten (10) years, subject to the restrictions as may be imposed by the LTO.”Gayunman, bilang paglilinaw sa inyong mga nadinig na bali-balita, bagama’t hindi sampung (10) taon ang unang buhay ng lisensiya sa pagmamaneho, maaari naman itong ma- renew ng sampung (10) taon kapag ang may hawak ng professional or nonprofessional na lisensiya sa pagmamaneho ay walang nagawang paglabag sa mga probisyon ng Land Transportation and Traffic Code, o ng iba pang mga batas, alituntunin at regulasyon tungkol sa trapiko sa loob ng limang (5) taong buhay ng lisensiya.
Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyong ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sumangguni sa abogado.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.




Comments