top of page
LET’S SEE - MIKA AT WILL, BUKING NA LUMIPAD PA-HK_Reddit.png

Tiwaling opisyal ng gobyerno puro ‘due process’, wala namang usad ang kaso, pwe!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Oct 31, 2020
  • 2 min read

ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | October 31, 2020



“Resignantion will not save your neck!”


Ito ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga opisyal ng Philhealth na nagbitiw sa tungkulin sa kasagsagan ng imbestigasyon sa katiwalian sa ahensiya. Hindi matatakasan ng mga sangkot sa katiwalian ang managot para sa mga kriminal na aktibidad. Maganda ang banta na ‘yan. Dapat lang matakot ang mga sangkot na katiwalian at kriminalidad. Pero nananagot ba sila? Nakukulong ba sila? Nasesentensiyahan ba sila?


Samantala, pinuna ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson na mukhang absuwelto agad ang mga kaalyado Pangulo, tulad ni DOH Sec. Francisco Duque III at DPWH Sec. Mark Villar.


Kailan lang, ang DPWH naman ang nasa balita dahil sa umano’y patuloy na katiwalian, kahit sa ilalim ng administrasyong ito na madalas ipagmalaki na galit sa korupsiyon. Sa imbestigasyon ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC), may mga mambabatas na nakikinabang sa “kickbacks” ng mga proyekto ng DPWH. Hindi raw sila puwedeng magbulag-bulagan kaya magsusumite sila ng ulat sa Pangulo tungkol sa resulta ng imbestigasyon.


Pero may kahihinatnan ba ang lahat ng inakusahan at kinasuhan dahil sa katiwalian? Magbanggit tayo ng ilang ehemplo. Ano ang nangyari sa kaso laban kina Janet Lim-Napoles, Jinggoy Estrada at Juan Ponce Enrile na may kinalaman sa PDAF scam?


Ano na ang nangyari sa kaso laban sa dalawang Usec. Ng Bureau of Immigration dahil sa P50-M pangingikil sa gaming tycoon? Ang kontrobersiya sa Bureau of Customs at Bureau of Corrections? Mga tauhang namuno sa ahensiyang ‘yan na nabigyan pa ng ibang posisyon matapos bumitiw. May nakulong na ba sa mga ‘yan, nahatulang may sala kahit may mga mabibigat na ebidensiya laban sa kanila?


“Due process” ang madalas na dahilan ng gobyerno. Pero taon ang inaabot ng mga high-profile na kasong ito. May ebidensiya at may testigo laban sa mga suspek, ano pa ang kailangan? Hindi na nakapagtataka kung taon ang aabutin ng mga pinaghihinalaang sangkot sa katiwalian sa Philhealth, baka nagpalit na ang administrasyon ay wala pang nangyayari riyan o sa mga kasong nabanggit.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page