top of page
Search
  • BULGAR

Tinawagan pa mismo ng pangulo… WILLIE, INALOK NI P-DIGONG NA TUMAKBO SA 2022

ni Vinia Vivar - @Frankly Speaking | March 5, 2021





Hindi makapaniwala si Willie Revillame sa hindi inaasahang pangyayari sa buhay niya kamakailan kung saan ay nakausap niya mismo ang ating Pangulong Rodrigo Duterte.


Nagsimula lang ang lahat nang imbitahan siya nina Senador Bong Go at Executive Secretary Salvador Medialdea para sa isang dinner at pinaglaanan naman talaga ito ng oras ng TV host.


Sa kanilang masayang kuwentuhan ay naitanong ni Sen. Go kay Willie kung ano ba ang plano nito.


Sabi ni Willie ay ipagpapatuloy lang niya ang pagtulong sa mga kababayan nating nangangailangan sa pamamagitan ng kanyang programang Wowowin-Tutok To Win. Aniya ay kaligayahan na niyang makatulong at napakasarap daw sa pakiramdam na marami siyang naayudahan at nabago ang estado ng buhay ng mga natatawagan niya sa Wowowin.


Tanong uli ni Senador Bong Go, “Wala ka bang planong mas palawakin ang ginagawa mong pagtulong?”


Sagot naman ni Willie ay wala sa isip niya ‘yun. Basta tutulong siya sa abot ng kanyang makakaya.


Maya-maya ay may tinawagan ang senador, iniabot nito ang telepono kay Willie, “Kakausapin ka ni Pangulong Duterte.”


Hindi alam ni Willie kung ano ang kanyang sasabihin, si PRRD nga naman ang nasa kabilang linya. “Good evening, Mr. President” lang ang kanyang nasabi.


“Willie, maraming salamat sa pagtulong mo sa mga kababayan natin. Pinanonood kita. Alam ko ang mga ginagawa mong pag-ayuda sa mga nangangailangan,” ang sabi ni Digong kay Willie.


Nang bumalik kay Sen. Go ang telepono ay may bilin pa si Digong kay Willie.


“Leave your options open daw, sabi ni Pangulo,” sabi ni Sen. Bong Go kay Willie.


Umuwi si Willie na hindi makapaniwala sa bilis ng mga pangyayari. Naging malaking palaisipan para sa kanya ang tanong ni Senador Bong Go kung wala ba siyang planong mas palawakin pa ang ginagawa niyang pagtulong sa ating mga kababayan.


Isa pang nagmarka sa kanya ay ang bilin ni Digong na “Leave your options open.”


Sabihin pa, sobrang happy ni Willie dahil nasasaksihan pala ng Pangulo ang kabutihan ng kanyang puso sa pagtugon sa matinding problema ng ating mga kababayan ngayong panahon ng pandemya.


Pero ang pinakamalaking tanong dito ay kung saan nga ba patutungo ang usaping ito. Does this mean na papasukin na nga ba ni Willie ang mundo ng pulitika?


Napupusuan na ba siyang kuning miyembro ng partido ng pangulo? And if ever, ano'ng posisyon naman kaya sa gobyerno ang kanyang tatakbuhan?


Sure winner na nga ba si Mr. Wowowin?

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page