Tinabla ng SC kaya impeachment trial ni VP Sara sa Aug. 4, ‘di na tuloy
- BULGAR

- Jul 26, 2025
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | July 26, 2025

LALONG MABA-BASH SI MAYOR BASTE KAPAG ‘DI SUMIPOT SA BOKSING NILA NI GEN. TORRE SA JULY 27 -- Pinutakti ng batikos ng netizens sa social media si Davao City acting Mayor Baste Duterte nang magpahiwatig siya ng pag-aatras sa hamon niyang suntukan kay PNP Chief Gen. Nicolas Torre, nang sabihin ng alkalde na matutuloy lang daw ang bugbugan nila ng PNP chief kung sasabihan ni Gen. Torre si Pres. Bongbong Marcos (PBBM) na magpalabas ng direktiba na lahat ng elected officials ay magpa-hair follicle drug test.
May dahilan talaga ang netizens na batikusin si Mayor Baste dahil siya ang unang naghamon tapos tila umaatras na siya sa kanyang hamon.
Tutal sa July 27, pa naman ang nakatakda nilang laban ni Gen. Torre na idaraos sa Rizal Memorial Coliseum sa Maynila, kaya’t sana sumipot dito si Mayor Baste dahil kung hindi ay asahan na niyang lalo siyang puputaktihin ng pamba-bash ng netizens sa socmed, boom!
XXX
TINABLA NG SC KAYA IMPEACHMENT TRIAL NI VP SARA SA AUG. 4, HINDI NA TULOY -- Hindi na matutuloy ang promise ni Senate Pres. Chiz Escudero na mag-start ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa August 4, 2025.
Kasi ang idinahilan ng Supreme Court (SC) ay unconstitutional daw dahil nilabag ang 1 year bar rule, at hindi rin binigyan ng Kamara ng due process si VP Sara para maipagtanggol ang sarili niya sa mga isinampang articles of impeachment laban sa kanya, boom!
XXX
‘SUNTOK SA BUWAN’ ANG NAIS NI ATTY. KAUFMAN NA PAYAGAN NI PBBM NA MAKABALIK SA ‘PINAS SI FPRRD -- Nais ni Atty. Nicholas Kaufman, abogado ni former Pres. Rodrigo Roa Duterte (FPRRD) sa International Criminal Court (ICC) na makausap si Pres. Bongbong Marcos (PBBM) para sabihin dito na “walang anumang mangyayari” kung papayagan nitong makabalik sa Pilipinas ang ex-president, na kung pakasusuriin ang tinuran ng lawyer ni FPRRD ay tila ang gustong mangyari ay makipagtulungan ang Philippine gov’t. para makalaya sa ICC jail at maiuwi na sa ‘Pinas ang dating pangulo.
Sa totoo lang, “suntok sa buwan” ang nais mangyari ni Atty. Kaufman dahil nga Marcos admin ang ‘nagpahuli’ at makulong sa ICC jail sa The Netherlands si FPRRD para mawala ito sa ‘Pinas, tapos ang gusto niya (Atty. Kaufman) ibalik sa bansa ang ex-president, boom!
XXX
MANDATO NG MMDA PAUNLARIN ANG METRO MANILA AT HINDI POST NANG POST KUNG SAAN MAY BAHA -- Panay ang post ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga lugar na may baha sa Metro Manila.
Kapag Tinagalog ang Metropolitan Manila Development Authority, ito ay Pangasiwaan sa Pagpapaunlad ng Kalakhang Maynila.
‘Ika nga, ang mandato ng MMDA ay paunlarin ang capital region, solusyunan ang mga problema sa baha para umunlad ang Kalakhang Maynila at hindi iyong ginagawa lang ay post nang post kung saan may mga baha sa National Capital Region (NCR), period!







Comments