TikTok na raw ang uso… POOH, TAKOT NANG MAGPATAWA ULI DAHIL FEELING LAOS NA
ni Janiz Navida @Showbiz Special | November 20, 2022

Naka-face-to-face namin kahapon ang mga TV5 stars bago sila tumulak papuntang Starmall-San Jose Del Monte Bulacan kung saan ginanap ang showbiz caravan na nagsimula nu'ng Nov. 17 at nagtapos nga kahapon (Nov. 19).
Hatid ng CignalPlay at Sulit TV, naging highlight ng Cignal Entertainment Showbiz Caravan ang mga upcoming finales ng kanilang comedy programs na Oh My Korona at Kalye Kweens, movieseryeng Suntok Sa Buwan at ang grand finals ng paboritong bidaoke kantawanan ng bayan na Sing Galing at Sing Galing Kids.
Ilan sa mga TV5 stars na nainterbyu namin ay sina Randy Santiago, K Brosas, Mari Mar Tua at Zendee ng Sing Galing, ang komedyanteng si Pooh, gayundin ang younger sister ni Maja Salvador na si Jessie Salvador ng Oh My Korona sitcom.
Si Pooh pala ang creative writer ng Oh My Korona na pinagbibidahan ni Maja Salvador.
Super happy at thankful si Pooh sa Crown Artist Management ng magdyowang Maja at Rambo Nuñez na sa kanya ipinagkatiwala ang pagsusulat ng Oh My Korona dahil natuklasan ni Pooh na bukod pala sa pagpapatawa, may talent din siya sa writing.
Inamin nga ni Pooh na dumaan din pala siya sa depression nu'ng sabay-sabay na nawala sa kanya ang Banana Sundae, nagsara ang ABS-CBN at nagkaroon pa nga ng COVID pandemic.
Buti na lang daw at kahit paano ay may ipon siya kaya naka-survive, until dumating nga ang offer ng Oh My Korona.
Ngayon, bagama't may trabaho na uli siya sa TV, aminado rin si Pooh na may takot na siyang mag-perform uli sa mga comedy bars dahil naobserbahan niyang iba na ang mga atake ng mga baguhang stand-up comedians at iba na rin ang uso ngayon, mga TikTok na.
Feeling daw niya ay laos na ang kanyang dating ginagawang pagpapatawa kaya medyo hesitant siyang umakyat sa entablado at mag-perform kahit pa may sarili pala siyang comedy bar.
Kaya sa ngayon, ine-enjoy muna niya ang pagsusulat ng mga episodes sa Oh My Korona, at least, bagong challenge at experience ito sa kanya.





Comments