Three-term calendar, inaasahang magpapalakas sa academic recovery
- BULGAR

- 4 hours ago
- 2 min read
ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | May 19, 2026

Sa unang bahagi ng buwan na ito, iniulat ng Department of Education (DepEd) na nagwakas ang School Year 2025-2026 na umangat ang literacy o kakayahang bumasa at umunawa ng 4.5 milyong mga mag-aaral na dating nangangailangan ng tulong. Itinuturing nating magandang senyales ito lalo na’t patuloy nating pinapaigting ang mga programang magpapatatag sa pundasyon ng ating mga mag-aaral, kabilang ang pagbasa, pagbilang, at iba pa.
Batay ang ulat ng DepEd sa Comprehensive Rapid Literacy Assessment (CRLA), Rapid Math Assessment (RMA), at Philippine Informal Reading Inventory (Phil-IRI). Kung susuriin pa natin lalo ang datos, makikita nating bumaba sa 2.2 milyon mula 6.7 milyon ang bilang ng mga mag-aaral na nahihirapang bumasa sa pagwawakas ng nagdaang school year.
Kung sa simula ng school year ay nakapagtala ang DepEd ng 3.3 milyon na mga mag-aaral na itinuturing na grade-ready, iniulat ng kagawaran na umakyat ang bilang na ito sa 5.8 milyon. Bumaba din sa 6.8 milyon ang bilang ng mga mag-aaral mula 13 milyon na low o not proficient pagdating sa mathematics.
Sa pagbubukas ng bagong school year, aasahan nating mapapalawak pa natin ang ating mga programa para sa learning recovery. Matatandaang para sa school year na ito, naglaan tayo ng makasaysayang P8.9 bilyon para sa pagpapatupad ng Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program, kung saan inaasahang susuportahan natin ang 6.7 milyong mga mag-aaral na nangangailangan ng tulong. Saklaw din ng naturang pondo ang pagkakaroon ng 440,000 tutors para suportahan ang mga mag-aaral na nangangailangan ng tulong.
Bahagi na ng mga remediation programs na isinagawa ngayong summer ang ARAL Program. Sa pagpapatupad naman ng three-term calendar na magsisimula sa darating na school year, inaasahang magsasagawa ng mga gawain para sa remediation sa tinatawag na end-of-term block kada term. Nakasaad sa polisiya ng DepEd na ang pagpapatupad ng three-term calendar ay nakaayon din sa matatag na pagpapatupad ng ARAL Program.
Patuloy naman nating tututukan ang pagpapatupad ng mga programang ito upang matiyak na tuwing matatapos ang school year, bawat mag-aaral ay may matatag na pundasyon at handa sa susunod na baitang.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com





Comments