top of page

Testigong ‘di naiharap, murder case nabasura

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 28
  • 4 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | Sep. 28, 2025



ISSUE #368



Noong gabi ng Nobyembre 6, 2022, isang trahedya ang naganap sa Brgy. Miasong, Tupi, South Cotabato. Si Hesus, hindi niya tunay na pangalan ay walang kalaban-laban at nakahandusay sa lupa na pinagsasaksak umano ng isang lalaki na si alyas “Da Boy.” Matapos ang paglilitis, nanatili pa rin ang katanungan, sapat ba ang ebidensya ng tagausig upang patunayan ang pagkakakilanlan ng akusado na si Da Boy, bilang tunay na maysala?


Sa kasong People v. Agupitan (Criminal Case No. 7xxx-xx, 4 Setyembre 2024), sa panulat ni Honorable Presiding Judge Adelbert S. Santillan, ating balikan ang mga pangyayaring humantong sa pagkamatay ni Hesus, at kung paano ang kapwa daing ng ating kliyente, na itago na lamang natin sa pangalang Da Boy ay pinal na natuldukan nang siya’y napawalang-sala mula sa kasong Murder, kaugnay sa nabanggit na kalagiman na sinapit ni Hesus.


Bilang pagbabahagi ng mga kaganapan, narito ang buod ng mga salaysay na inilahad sa hukuman. 


Ayon sa paratang na inihain sa husgado, dakong alas-9:00 ng gabi, noong Nobyembre 6, 2022, armado ng patalim at may intensyong pumatay, inatake at sinaksak ng akusado si Hesus habang ito ay nakahandusay, walang armas at wala ring kakayahang lumaban. Tinamaan ng saksak ang dibdib at tiyan ng biktima, dahilan ng kanyang pagkamatay.

Nagharap ng testigo ang tagausig sa katauhan ng kapatid ng biktima na si Karina, hindi rin nito tunay na pangalan. Sa pamamagitan ng judicial affidavit, kanyang isinalaysay na diumano ay nalaman niya mula sa kanyang anak na si Melai, na mismong nakita diumano ang aktuwal na pananaksak ni Da Boy kay Hesus.


Gayunpaman, si Melai mismo ay hindi naiprisinta bilang saksi sa hukuman upang magpatotoo sa kanyang nakita. Sa kabila ng kanyang sinumpaang salaysay, hindi siya naisalang na testigo ng tagausig at walang subpoena na inilabas upang siya ay mapilitang humarap. Ang tanging salaysay na nailatag mula kay Karina—na nakarinig lamang ng balita mula sa kanyang anak.


Sa kabilang banda, matapos maikonsidera ang kabuuang ebidensya ng tagausig, napagdesisyunan ng depensa na hindi magharap ng ebidensya.

Matapos ang paglilitis at sa tulong ng Public Attorney’s Office sa pamamagitan ni Manananggol Pambayan R. S. Malcampo, sinuri ng hukuman ang lahat ng ebidensya. Sa huli, pinawalang-sala si Da Boy.


Ayon sa hukuman, ang pagpapasya na hindi magsulong ng ebidensya ay hindi isang kahinaan kundi isang estratehiya—dahil walang direktang ebidensya laban sa akusado. Dagdag pa ng hukuman, ang pasanin ng pagpapatunay ay nakasalalay sa tagausig at hindi maaaring ipataw sa akusado ang tungkuling patunayan ang kanyang kawalang-sala.


Ang hukuman ay nagpahayag ng masusing pagtutok sa mga mahahalagang alituntunin sa paglatag ng ebidensya tulad ng Double Hearsay Rule at ng kawalan ng timbang nito.

Sa kasong ito, ang pangunahing testigo ng tagausig ay si Karina, na hindi nakakita sa aktuwal na krimen kundi umasa lamang sa sinabi ng kanyang anak na si Melai. Subalit, hindi naiharap ng tagausig si Melai upang magpatotoo sa nasaksihan nito.


Ang resulta, hearsay sa unang antas (mula kay Karina) na nakabatay pa sa hindi nasuring salaysay ni Melai. Ito ang tinukoy ng hukuman bilang double hearsay na itinuturing na walang anumang bigat bilang ebidensya, sapagkat hindi ito sumailalim sa cross-examination, alinsunod sa desisyon ng kasong Sanvicente v. People (G.R. No. 132081, 26 November 2002), sa panulat ni Honorable Associate Justice Consuelo Ynares-Santiago.


Bukod pa rito, binigyang-diin ng korte na ang tagausig ang may tungkuling magharap ng lahat ng material na testigo. Si Melai, na ayon sa sinumpaang salaysay ay nakasaksi sa pananaksak, ay hindi naiharap. Ang kakulangang ito ay hindi maaaring ipataw sa depensa, sapagkat pasanin ng estado ang magpatunay ng pagkakasala ng akusado. Dahil dito, ang testimonya ng saksi ng panig ng tagausig ay nanatiling walang bisa.


Sa ilalim ng ating Saligang Batas, ang akusado ay ipinagpapalagay na inosente hanggang mapatunayang maysala. Ang burden of proof ay laging nasa tagausig at hindi maaaring ipataw sa akusado ang obligasyong patunayan ang kanyang kawalang-sala. Ayon sa Daayata v. People, 807 Phil. 102 (2017), sa panulat ni Honorable Senior Associate Justice Mario Victor F. Leonen, ang kabiguang maipakita ng prosekusyon ang pagkakasala nang lampas sa makatuwirang pagdududa ay awtomatikong nangangahulugan ng acquittal o pagpapawalang-sala.


Dito, muling ipinaalala ng korte na ang hatol ng pagkakasala ay dapat nakabatay sa moral certainty, hindi sa haka-haka o suspetsa. Kung ang ebidensya ay batay lamang sa double hearsay, walang tiyak at matibay na batayan upang alisin ang presumption of innocence. Ang kawalan ng moral certainty ay nag-iiwan ng puwang para sa makatuwirang pagdududa, na sa batas ay nangangahulugan ng paglaya.


Ang kasong ito ay isang malinaw na paalala na ang hustisya ay hindi maipapataw sa pamamagitan ng hinala, pangalawang balita, o hindi nasusuring testimonya. Ang pagpalya ng tagausig na magharap ng materyal na saksi ay nagbunga ng pagkawasak ng kanilang kaso. Sa huli, nanaig ang prinsipyong konstitusyonal na mas mabuting makalaya ang isang nagkasala kesa mabilanggo ang isang inosente.

 

Matapos timbangin ang lahat, malinaw na nabigo ang tagausig na patunayan ang pagkakasala ng akusado nang lampas sa makatuwirang pagdududa. Bagaman kinikilala ng korte ang dalamhati ng pamilya ng biktima, walang sapat na batayan upang igawad ang hatol na guilty. Dahil sa seryosong kahinaan sa pagkakakilanlan na nakasalalay sa double hearsay. Kaya naman, pinawalang-sala rin si Da Boy.


Sa huli, mas pinairal ng hukuman ang bigat ng due process at ang konstitusyonal na presumption of innocence. Sa harap ng kawalan ng matibay na ebidensya, nanaig ang prinsipyo, “Mas mabuting makalaya ang isang nagkasala kesa mabilanggo ang isang inosente.”


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page