Mga nangangailangan ng ayuda, ‘wag nang pahirapan!
- BULGAR

- 58 minutes ago
- 3 min read
ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | November 28, 2025

Sa hearing ng Senado para sa panukalang 2026 budget ng Department of Social Welfare and Development nitong Nobyembre 24, muli nating pinaalalahanan ang DSWD na huwag haluan ng pulitika ang pamamahagi ng ayuda at iba pang social assistance. Hindi dapat pahirapan pa ang mga mahihirap nating kababayan. Ang tunay na pagmamalasakit ay walang pinipili at pinapaboran.
Marami ang pumupuna na noong bago mag-eleksyon, bumabaha ang ayuda. Ngayong tapos na ang eleksyon at sunud-sunod ang kalamidad, parang bumabagal naman ang tulong. Ayon mismo sa DSWD, nagamit na ang halos 100% ng pondo ngayong taon para sa Assistance to Individuals in Crisis Situations o AICS program kaya kailangan ng dagdag na budget para rito. Babantayan natin ito at dapat siguraduhin ng DSWD na nagagamit ang pondo para sa mga kapwa natin Pilipino na tunay na nangangailangan.
Sa tulong naman ng aking mga kasamahan sa Senado, ipaglalaban natin ang pensyon ng napakaraming indigent senior citizens na nasa waitlist ng DSWD. Sa ngayon, kulang pa ang pondo para sa aabot sa isang milyong wait-listed na lolo at lola. Dapat nating gawing prayoridad ito dahil malaking bagay sa ating senior citizens ang P1,000 na pensyon kada buwan pambili ng kanilang pagkain, gamot, at iba pang gastusin.
Inihayag natin ang buong suporta sa lahat ng mga tauhan ng DSWD at sa proposed budget ng kagawaran. Muling paalala natin na huwag pabayaan ang iba’t ibang vulnerable sector kabilang na ang mga single parent, indigent patients, at lalo na ang mga mahihirap nating kababayan na namatayan o lubhang apektado ng nagdaang mga kalamidad. Sana ay parating bukas ang mga opisina ng DSWD dahil ang mahalaga, may malalapitan ang ating mga kababayan na walang ibang matatakbuhan kundi ang pamahalaan.
Noong November 20, ipinakita natin ang suporta natin sa Cooperative Development Authority (CDA) ng Visayas; nagbigay tayo ng tulong sa 65 na kooperatiba mula Regions VI, VII at VIII. Kinabukasan naman, November 21, personal tayong nakapunta sa CDA distribution sa Davao City kung saan nabigyan ng tulong ang 86 kooperatiba mula Regions XI, XII at XIII. Namahagi rin tayo ng hiwalay na tulong para sa mga micro, small at medium na mga kooperatiba.
Samantala, noong November 22, bilang Chairman ng Senate Committees on Sports at on Youth, personal tayong dumalo bilang guest of honor and speaker sa Philippine Eskrima Kali Arnis Federation (PEKAF) Mindanao Qualifying Tournament (Arnis) opening ceremony sa University of the Philippines Mindanao sa Davao City, sa imbitasyon ni PEKAF President, Majority Leader Senator Migz Zubiri.
Noong nakaraang linggo, bumisita ang ating Malasakit Team sa iba’t ibang kababayang nangangailangan at tumulong sa mga biktima ng bagyo sa Dueñas sa Iloilo; Bayombong at Bambang sa Nueva Vizcaya; Agno sa Pangasinan; Masantol sa Pampanga; Tuguegarao City, Solana, Tuao, at Enrile sa Cagayan; San Juan sa Batangas; Baguio City; Bay sa Laguna; Daet sa Camarines Norte; at San Jose sa Camarines Sur.
Samantala, tumulong din tayo sa mga biktima ng sunog sa Davao City; micro-entrepreneurs sa San Rafael, Iloilo; Valencia City, Bukidnon; at Pikit, North Cotabato. Tumulong rin ang Malasakit Team sa mga iskolar sa Bataan Peninsula State University at TESDA graduates ng Raphael Alessandri Foundation Academy sa General Santos City.
Dumalo rin ang ating Malasakit Team sa turnover ng Super Health Center sa Brgy. Lobogon, Aloran, Misamis Occidental.
Sa pagpapatuloy ng Senate deliberations para sa taunang pambansang budget, ipaglalaban natin na talagang mapapakinabangan ng taumbayan ang pondo ng gobyerno. I am one with the Filipinos in this fight and crusade against corruption. Dapat mapanagot ang mga tunay na mastermind ng malawakang corruption.
Bilang inyong senador, sisikapin ko sa abot ng aking makakaya na maihatid ang dekalidad na serbisyo-publiko para sa ating mga kababayan, lalo na ang mga mahihirap. Dapat palagi nating itaguyod ang kanilang kapakanan, protektahan ang kanilang mga karapatan, at tiyakin na maaabot sila ng mga pangunahing serbisyo at programang pantulong ng pamahalaan, kasama na ang mga nakatira sa malalayong lugar. Sila ang dapat unang pagsilbihan — ang mga mahihirap nating kababayan.
Bilang inyong Mr. Malasakit, bisyo ko ang magserbisyo at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.








Comments