Philippine passport, may bisa ng 10 taon
- BULGAR

- 52m
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | November 28, 2025

Dear Chief Acosta,
Nagnanais akong makapagbakasyon sa ibang bansa at unang beses na kukuha ako ng pasaporte. Tama ba na ang bisa ng ating pasaporte ay 10 taon? Salamat sa iyong tugon.
-- Gerald, Jr.
Dear Gerald, Jr.,
Matatagpuan ang kasagutan sa iyong katanungan sa Seksyon 21 ng Republic Act (R.A) No. 11983, o mas kilala sa tawag na “New Philippine Passport Act,” na nagsasaad:
“Section. 12. Validity -- Regular passports issued under this Act shall be valid for a period of ten (10) years: Provided, That for individuals under eighteen (18) years of age, only a passport with five (5)-year validity shall be issued: Provided, further, That the issuing authority may limit the period of validity to less that ten (10) years, whenever such restriction is necessary in the national economic interest or political stability of the country.”
Malinaw na nakasaad sa nasabing probisyon ng batas na ang mga regular na pasaporte na ilalabas o iiisyu sa ilalim ng R.A. No. 11983 ay karaniwang may bisa ng 10 taon. Sa ilalim ng nasabing batas, nakalahad din na may hanggang limang taong bisa lamang ang mga pasaporte na maaaring iisyu sa mga indibidwal na wala pang 18 taong gulang. Maaari ring limitahan ng Department of Foreign Affairs (DFA), ang issuing authority ng mga pasaporte, ang bisa ng pasaporte ng mas mababa sa 10 taon kung ito ay kinakailangan para sa pambansang interes ng ekonomiya o katatagang pulitikal ng bansa.
Kung kaya, bilang kasagutan sa iyong katanungan, malinaw na nasasaad sa batas na karaniwang may 10 taong bisa ang mga pasaporte na iniisyu ng DFA. Ito ay ayon din sa polisiya ng gobyerno na nabanggit sa R.A. No. 8239, na siyang inamyendahan ng R.A. 11983, na kumikilala sa karapatan ng mga tao na maglakbay. Kaugnay sa karapatang ito, ang pamahalaan ay may tungkulin na mag-isyu ng pasaporte o anumang dokumento sa paglalakbay sa sinumang mamamayan ng Pilipinas o indibidwal na sumusunod sa iniaatas ng batas.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.








Comments