top of page

Nobyembre: Panahon ng pagpapasalamat

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 46 minutes ago
  • 3 min read

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | November 28, 2025



Asintado ni Judith Sto. Domingo


Atin muling bigyang-daan ang kahilingan ng isang masugid na tagasubaybay ng pahayagang ito na mailathala ang kanyang liham ng pagbati at pasasalamat para sa kanyang mabuting kaibigan. 



Para sa aking matalik na kaibigang Sarah,


Sana ay nasa mabuti kang kalagayan. Matagal-tagal na rin tayong hindi nagkikita. Malayo sa naging kalakaran natin noong nakaraang taon, na tila ba napakalayo na kahit ilang buwan lamang ang pagitan sa gitna noon at ngayon.


Ganunpaman, maligayang bati sa iyong kaarawan. 


Wala akong maiaalay sa iyo na hindi mo kayang mabili nang sampu-sampo o daan-daan pa kundi ito: ang maipabatid sa iyo’t ika’y mapasalamatan sa kung paano mo pinalakas, pinatibay at pinaganda ang aking kalagayan. Sa maraming paraan o dulot ng iyong impluwensya, napatibay mo ang aking pag-iisip, pangangatawan at maging emosyon.


Lumalabas na lalo pa akong nakatitindig sa sarili kong mga paa.


Gaya ng banyuhay ng isang higad o gusanilyo, ito ay isang masalimuot na luil o karanasan, sa kabila ng mga maaaring mapaghingahan ng saloobin at sama ng loob, tanging ako lamang kadalasan ang kumakarga’t umiinda. Kasi nga naman, ang kagaykay o tatad ay walang kasama sa kanyang kukun o krisalida kundi ang sarili.


Ngunit pasalamat pa rin at nakahantong ang puntong ito, lalo pa’t marami sa ating mga kababata ay wala na sa mundong ibabaw.


Nakamamanghang maunawaan na mas lalo akong tumatatag, mas nahahasa na ‘wag personalin ang mga ibinabatong pangungutya o nakapanliliit na mga paratang, at ‘di basta matangay ng hangin ng mga suliranin o pamparupok na alon ng mga pagsubok.

Nakapagpalinaw ka ng isip at nakapupukaw ng damdamin na maunawaang tila napalayo na ako sa aking mga katsokaran na tuluy-tuloy pa rin sa mga pananaw, bisyo o indulhensiyang may panandaliang kaligayahan ngunit panganib ang dulot sa pangmatagalan. Mahalaga rin naman ang pagpapalakas ng sarili, pag-aalaga sa katauhan at katawan habang namamahagi ng serbisyo’t malasakit.


Nakapagpalawig ka rin ng paningin, kung kaya’t napagtanto ko nang imbes na iwaksi ay yakapin ang problema, at sa halip na kamuhian ay kaibiganin ang pasanin, na linangin ang pagkamatatag, hinangin ang kakayanang sumabay sa daloy ng mga kumplikadong pagbabago.


Dahil sa iyo ay namulat ako sa paghahanap ng maaaring pagmulan ng kagalakan sa gitna ng kalungkutan, ng saya sa kabila ng lumbay, ng liwanag sa gitna ng kadiliman, ng dahilang ngumiti upang paimbabawan ang pighati.


Malaking pasasalamat sa iyong tiwala at sa ginintuang pagkakataon na maibahagi mo sa akin ang iyong kaalaman, pag-iisip at mga palagay.


Marahil iyon ang pinakamatimbang na halaga’t saysay ng nagpapatuloy na karanasang ito: ang maunawaan na lahat ng bagay, masaya man o malungkot, ay may kapupulutang aral o pakinabang na ‘di maglalaon ay magpapatingkad ng aking pagkatao.


Ngunit gaano man maging matayog pa ang aking payak na kalagayan, mananatiling mapagpakumbaba’t madasalin habang isinasaisip na, sa isang iglap, ay maaaring bawiin ng uniberso ang lahat mula sa akin.Para akong produkto ng malikhaing kostumbre ng mga Hapon na binansagan nilang ‘kintsugi’, kung saa’y ang isang nabasag na bagay ay hihinagin at bubuuing muli sa pamamagitan ng espesyal na laquer na may halong pulburang ginto o pilak:


Sa kabila ng pagkabitak-bitak ay iyong natulungang mabuo’t mapatibay. Kung kaya’t taos-pusong pasasalamat na ikaw ay naririyan. ‘Di ko sukat maisip kung ang mga mabuting pagbabago na aking natamo’t nararamdaman ay aking makakamit kung hindi ka naging bahagi muli ng aking buhay. Salamat muli, aking tunay na kaibigan. 

Sumasaiyo,

Les


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page