Termino ng mga korporasyon
- BULGAR

- 11h
- 3 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | October 24, 2025

Dear Chief Acosta,
May katanungan ako patungkol sa korporasyong pinatatrabahuhan ng asawa ko. May alalahanin sila hinggil sa termino ng kanilang korporasyon dahil inisyuhan ito ng Certificate of Incorporation ng Securities and Exchange Commission (SEC) noong 01 Agosto 1974. Ayon sa kanilang Articles of Incorporation (AOI), ang korporasyon ay may termino na 50 taon, maliban na lamang kung ito ay palalawigin. Gayunman, ang Board of Directors ng korporasyon kung saan nagtatrabaho ang asawa ko ay hindi nag-aplay para sa pagpapalawig ng termino nito. Tanong ko lang kung mapapawalang-bisa ba ang pag-iral ng kanilang korporasyon sa paglipas ng orihinal nitong termino tulad ng nakalagay sa kanilang AOI o ang bagong probisyon sa ilalim ng Revised Corporation Code ang mananaig kung saan ang mga korporasyon ay dapat magkaroon ng panghabang-buhay na pag-iral. Salamat sa iyong tugon. -- Vivencio
Dear Vivencio,
Ang Pilipinas ay isa sa iilang bansa na nagtatakda ng mga limitasyon sa termino ng korporasyon bago ang pagsasabatas ng Republic Act (R.A.) No. 11232 o kilala bilang “Revised Corporation Code of the Philippines” (RCCP). Ito ay pinagtibay noong Pebrero 20, 2019, nang lagdaan ni dating Pangulong Rodrigo R. Duterte at nagkabisa ito noong Pebrero 23, 2019.
Sa Seksyon 2 ng RCCP, nakasaad dito ang kahulugan ng korporasyon:
“Sec. 2. A corporation is an artificial being created by operation of law, having the right of succession and the powers, attributes, and properties expressly authorized by law or incidental to its existence.”
Sa ilalim naman ng Seksyon 11 nito, ipinaliwanag naman ang termino ng korporasyon. Nakalagay dito na:
“Section 11. Corporate Term. - A corporation shall have perpetual existence unless its articles of incorporation provides otherwise.
Corporations with certificates of incorporation issued prior to the effectivity of this Code, and which continue to exist, shall have perpetual existence, unless the corporation, upon a vote of its stockholders representing a majority of its outstanding capital stock, notifies the Commission that it elects to retain its specific corporate term pursuant to its articles of incorporation: Provided, That any change in the corporate right of dissenting stockholders in accordance with the provisions of this Code.
xxx"
Bago ang pagsasabatas ng RCCP, ang mga korporasyon sa ating bansa ay may limitadong termino na humahantong sa pagkawala ng kita at kabuhayan para sa mga pamilya, at pagkawala ng pamana at pangarap para sa mga negosyante at empleyado. Ang panghabang-buhay na termino ng korporasyon bilang default na opsyon ay naglalayong tugunan ang problemang ito. Pinapayagan din nito ang mga korporasyon na bumuo ng mga pangmatagalang plano at tumingin sa mas napapanatili at malalayong estratehiya para sa higit pang paglago ng ekonomiya.
Gayunpaman, maaaring piliin ng mga korporasyon na lagyan ng limitasyon sa termino sa kanilang Articles of Incorporation (AOI) upang bigyan ang mga stockholder ng pagkakataon na masuri ang kinabukasan ng korporasyon at matukoy sa puntong iyon na tapusin ang mga gawain ng korporasyon o pahabain ang buhay ng korporasyon.
Sa sitwasyong iyong nabanggit, ang pag-iral ng korporasyon kung saan nagtatrabaho ang iyong asawa ay hindi nagtatapos sa paglipas ng orihinal nitong termino gaya ng tinukoy sa kanilang AOI. Kung pipiliin ng isang umiiral na korporasyon na magkaroon ng limitasyon sa termino, ang mga stockholders na kumakatawan sa mayorya ng natitirang stock ng kapital nito ay dapat bumoto upang panatilihin ang partikular na termino nito at dapat ipaalam sa SEC na pinipili nitong panatilihin ang partikular na termino ng kumpanya, alinsunod sa AOI nito.
Sa kabilang banda, ang mga umiiral na korporasyon ay hindi kailangang gumawa ng anumang hakbang upang palawigin ang kanilang termino dahil awtomatiko silang maituturing na may habambuhay na termino ayon sa Seksyon 11 ng RCCP, kahit na may nakapirming termino na nakalagay sa kanilang umiiral na AOI bago naisabatas ang RCCP.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.








Comments