Taun-taon dumarating ang bagyo, ‘wag tayong bago nang bago sa paghahanda!

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | November 18, 2020
Noong una nating maranasan ang Bagyong Ondoy na bukod sa kumitil ng maraming buhay at sumira ng napakaraming ari-arian dulot ng matinding pagbaha ay nakaranas din ng pagkabigla ang marami sa ating kababayan.
Hindi inaasahan ng ating mga kababayan na sobrang daming ulan ang bitbit ng naturang bagyo na naglagay sa panganib sa buhay ng marami nating kababayan sa iba’t ibang lugar sa ating bansa.
Halos ganito rin ang naranasan ng ating mga kababayan sa pananalasa ng Bagyong Rolly na nagdulot ng mga pagbaha sa napakabilis na pangyayari kaya mas marami ang hindi nakapaghanda.
Kung sa panahon ng Bagyong Ondoy ay maraming bahay ang binaha na hindi naman dating binabaha, higit na mas marami ngayon dahil bayan-bayan ang nakaranas ng unang pagbaha sa kanilang lugar.
Bukod sa Bicol area na ilang araw ding nakalubog sa baha ay higit na napagtuunan ng pansin ang Cagayan, Isabela at karatig-bayan dahil maraming bayan ang sa kauna-unahang pagkakataon ay lumubog sa baha.
Ilan sa tinitingnang anggulo ng Palasyo ay ang walang humpay na pagmimina, illegal logging at quarrying na kasalukuyang pinaiimbestigahan ni Pangulong Rodrigo Duterte matapos itong magsagawa ng inspeksiyon.
Iginigiit naman ng marami ang walang kontrol at wala sa tiyempong pagpapakawala umano ng ilang dam ng tubig sa kasagsagan ng pagbaha sa maraming lugar na nagdulot umano ng matinding pagbaha.
Pinapabulaanan ito ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAG-ASA), ngunit matindi ang paniniwala ng marami na nakadagdag talaga ng malaki sa pagbaha ang pagpapakawala ng mga dam ng tubig.
Kaya agad tayong nagsumite ng resolusyon para himukin ang ating mga kasamahan sa Senado na magsagawa ng pagpupulong upang aming mahimay at makapagbuo ng solusyon hinggil sa mga darating pang pagbaha tulad ng naranasan ng ating mga kababayan sa Luzon.
Tulad nitong nangyari sa atin na sa loob ng tatlong linggo ay limang bagyo ang pumasok sa ating Philippine Area of Responsibility (PAR) na lubhang nanalasa sa mga mabababang lugar sa Luzon.
Ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council’s (NDRRMC) ang Typhoon Ulysses lamang ay sinalanta ang may 1,755,224 katao na katumbas ng 428,657 pamilya sa 4,543 barangay sa mga apektadong lugar sa Regions I, II, III, CALABARZON, MIMAROPA, V, NCR, at CAR.
Ayon sa ulat ng PAG-ASA, ang mga bagyong pumasok sa PAR ang dahilan ng pagtaas sa critical water level ng Ipo, Ambuklao, Binga at Magat dam sa Luzon, kaya nagpakawala sila ng tubig na isa naman sa itinuturong dahilan nang paglubog ng mabababang lugar malapit sa mga nabanggit na dam.
Ang sinasabi natin, alam naman nating taun-taon dumarating ang mga pag-ulan, malalakas na bagyo at hindi naman na bago sa atin ang mga ganitong pangyayari pero palagi tayong nasa sitwasyon na parang bago sa atin ang mga pangyayari.
Dapat handa tayo sa mga pangyayari, ‘yung pagpapakawala ng tubig ng mga dam dapat asahan na natin tuwing may bagyo para hindi na tayo nagsisisihan at hindi naman nagpapakawala ng tubig ang dam para lamang lumala ang pagbaha kung hindi obligado na nila itong gawin.
Kaya dapat ngayon pa lamang ay paghandaan na, ayusin na ang dapat ayusin sa imprastruktura na dadaluyan ng tubig na sasalo sa bugso o ragasa ng napakaraming tubig mula sa dam.
Kung may pagkakaisa sa Senado, tiyak na makakabuo ng komprehensibong estratehiya para hindi na maulit ang trahedya kahit pa matindi ang pagbahang dala ng bagyo.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o
mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments