Pag-aadik at pagbebenta ng gamot online ayon sa Philippine Pharmacy Act
- BULGAR

- 4 hours ago
- 3 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | January 30, 2026

Dear Chief Acosta,
Sampung taon na akong nagtatrabaho bilang isang pharmacist. Dumidiskarte rin ako sa pamamagitan ng pagbebenta ng gamot online kasama ang kapatid ko. Dahil sa alitan sa negosyo naming magkapatid, diumano ay isusumbong niya ako dahil sa araw-araw kong pag-inom ng alak mula noong iniwan ako ng kasintahan ko. Nais ko sanang malaman kung ang trabaho ko bilang isang pharmacist ay maaapektuhan ng pag-inom ko ng alak kung hindi naman ako umiinom sa oras ng trabaho. – Nolyn
Dear Nolyn,
Kinikilala ng Estado ang mahalagang papel ng mga parmasyutiko sa paghahatid ng dekalidad na serbisyo sa pangangalagang pangkalusugan sa pamamagitan ng pagbibigay ng ligtas, epektibo, at dekalidad na mga produktong parmasyutiko, pangangalaga sa parmasyutiko, impormasyon tungkol sa gamot, pagbibigay ng payo sa mga pasyente tungkol sa gamot, at promosyon sa kalusugan. Kaya naman isinabatas ang Republic Act No. 10918 (R.A. No. 10918) o mas kilala bilang "Philippine Pharmacy Act” upang itaguyod bilang importanteng bahagi ng kabuuang sistema ng pangangalagang pangkalusugan ang mga propesyonal na serbisyo ng mga parmasyutiko at matiyak ang pisikal na kagalingan ng mga Pilipino.
Gayundin, layunin ng batas na ito na magtaguyod ng mga parmasyutiko na maabilidad, mahusay, produktibo, at may tuwid na moral, na ang mga pamantayan ng propesyonal na kasanayan at serbisyo ay dapat na mahusay at mapagkumpitensya sa buong mundo sa pamamagitan ng mga hakbang sa regulasyon, programa, at aktibidad na nagtataguyod at nagpapanatili ng kanilang patuloy na propesyonal na pag-unlad. Kaugnay nito, nakasaad Seksyon 44 (f) ng batas na ito na:
“SEC. 44. Revocation or Suspension of the Certificate of Registration and Cancellation of Special/Temporary Permit. – The Board shall have the power, upon notice and hearing, to revoke or suspend the COR of a registered pharmacist or to cancel an STP of a foreign pharmacist on any of the following grounds:
(f) Addiction to alcoholic beverages or to any habit-forming drug rendering a pharmacist incompetent to practice the profession as provided for in Section 23 hereof;”
Ayon sa nasabing probisyon ng batas, ang Professional Regulatory Board of Pharmacy ay may kapangyarihan, matapos magbigay ng abiso at pagdinig, na bawiin o suspendihin ang certificate of registration (COR) ng isang rehistradong parmasyutiko o kanselahin ang special/temporary permit (STP) ng isang dayuhang parmasyutiko dahil sa adiksyon sa mga inuming nakalalasing o sa anumang gamot na nakakahumaling na nagiging dahilan upang ang isang parmasyutiko ay mawalan ng kakayahan na isagawa ang kanyang propesyonal na pagsasanay.
Kung kaya’t sa iyong sitwasyon, kung ikaw ay mapatutunayan na lango o adik sa anumang inuming nakalalasing, maaaring matanggal ang iyong lisenysa bilang parmasyutiko, alinsunod sa magiging hatol ng Professional Regulatory Board of Pharmacy, matapos ang pagdinig.
Nais din naming ipaalala na ang pagpatakbo ng tindahan ng gamot nang walang lisensya online na hindi awtorisado ng Food and Drug Administration (FDA) ay ipinagbabawal ng Seksyon 45 ng nasabing batas. Sang-ayon sa nasabing probisyon ng batas, kung ang iyong negosyo ng pagbebenta ng gamot online ay hindi awtorisado ng FDA, maaari kang mahatulan ng parusang multa na hindi bababa sa P250,000, ngunit hindi hihigit sa P500,000 o pagkakakulong nang hindi bababa sa isang taon at isang araw ngunit hindi hihigit sa anim na taon, o parehong multa at pagkakakulong, ayon sa pagpapasya ng korte.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.








Comments