Taumbayan, dapat protektahan kontra kidnapping at fake news
- BULGAR

- Apr 22, 2025
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | Apr. 22, 2025

Ngayon sa panahon ng makabagong teknolohiya, hindi na maiiwasan ang mga panganib na dulot ng mga mapang-abuso. Isa na rito ang mga kaso ng kidnap-for-hire, kung saan ginagamit ang buhay ng tao para sa pansariling kapakanan.
Hindi lang ito umiikot sa mga biktima, kundi ng buong komunidad na apektado rin ng takot at pagkawala ng tiwala sa mga otoridad. At kasabay nito, may mga bagong uri ng panganib na sanhi naman ng maling impormasyon na kayang magdulot ng takot sa lipunan.
Upang tugunan ang mga banta sa ating seguridad, inilunsad ng Philippine National Police (PNP) ang dalawang bagong komite na tututok sa mga isyung ito — ang Joint Anti-Kidnapping Committee (JAKAC) at Joint Anti Fake News Action Committee (JAFNAC).
Ang JAKAC ay magsisilbing pangunahing puwersa laban sa mga organisadong kidnap-for-hire groups sa bansa, lalo na matapos ang pagkaka-kidnap at pagpatay kay Anson Que, isang Filipino-Chinese businessman, at sa kanyang driver na si Armanie Pabillo.
Layunin ng naturang komite na tugisin ang mga salarin at tiyakin ang kapakanan ng mga biktima laban sa ganitong uri ng krimen.
Sa ngayon, tatlong suspek na ang nasa kustodiya ng PNP, at patuloy pa rin ang kanilang paghahanap sa utak ng krimen na responsable sa insidente.
Ang JAFNAC ay naglalayong labanan ang lumalalang kaso ng misinformation at disinformation sa online platforms. Ang komite ay nakatuon sa mga pekeng balita, lalo na sa mga hindi verified na ulat ukol sa mga kidnapping na nagkalat sa internet, na nagdudulot ng takot sa publiko.
Ayon kay PNP chief Police General Rommel Francisco Marbil, ang dalawang komiteng ito ay hindi lamang basta hakbang upang mag-organisa ng solusyon, kundi mga proactive responses sa mga modernong banta sa lipunan.
Sinabi pa niya na hindi biro ang epekto ng fake news dahil ito ay nagdudulot ng gulo, takot, at posibleng kaguluhan. At hindi niya hahayaan na ang mga kasinungalingan ay maging takdang kuwento sa ating bayan.
Sa gitna ng mga ganitong uri ng isyu, mahalagang maging matalino at mapanuri tayo sa mga impormasyong nakakarating sa atin habang mag-ingat sa mga mapanlinlang na gawain. Ang bawat hakbang na ginagawa ng kapulisan ay isang paalala na ang kaligtasan ng bawat isa ay hindi lang dapat ipagsawalang-bahala at iasa sa kinauukulan.
Sa halip, magtulungan tayo para matugis ang mga mapanganib na sindikatong naghahasik ng krimen at ng maling impormasyon sa ating bayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments