Tatum at Flagg kumilos sa Celtics at Mavericks

ni Anthony Servinio @Sports | November 26, 2026

Photo: Nagbatian sina Cooper Flagg at Kyrie Irving nang makaiskor ang Dallas Mavericks laban sa Denver Nuggets NBA game. (NBA)
Nanatiling malinis ang mga bisitang Boston Celtics at Dallas Mavericks papasok sa huling linggo ng Emirates NBA Cup 2026 group stage. Tinalo ng Celtics ang Washington Wizards, 131-116, at sinundan ng 120-101 tagumpay ng Mavs sa Denver Nuggets.
Umabot ng 62-38 ang lamang ng Boston sa pangalawang quarter sa tres ni Jayson Tatum na nagtapos na may 41 puntos para maging 3-0 sa East Grupo C. Nakalapit ang Wizards sa huling 3 minuto, 112-117, pero bumira ng magkasunod na 3-points sina Tatum at Baylor Sheierman, 123-112.
Sa tapatan ng mga parehong 2-0 sa West Grupo A, pinasok ng Denver ang unang 5 puntos pero kumilos ang Dallas para magtayo ng 60-39 bentahe maaga sa pangatlong quarter. Balanseng opensa ang susi at pitong Mavs ang may 11 higit sa pamumuno ni Cooper Flagg na may 24 at 12 assists.
Samantala, binahiran ng Detroit Pistons ang perpektong 3-0 kartada ng Orlando Magic, 104-86. Kahit wala si Cade Cunningham, umakyat ang Pistons sa 2-1 at napigil nila ang pagwalis sana ng Magic ng East Grupo A.
Ang mga numero uno lang sa anim na grupo at ang pinakamataas na kartada sa mga pangalawa sa bawat conference ang pasok sa knockout playoffs. Ang finals ay gaganapin sa Hinkle Fieldhouse sa Indiana sa Dis. 12 matapos ang 3 taon sa Las Vegas.





Comments