Lakers at Spurs 'di matibag sa tuktok ng standings

ni Anthony Servinio @Sports | November 25, 2026

Photo: Nakabawi ang Los Angeles Lakers laban sa Utah Jazz na pinangunahan ni Luka Dončić ng Lakers sa itinalang 28 puntos at 4 rebounds para sa ika-15 panalo nito sa regular season ng NBA. (lakersnationphl)
Nakaganti ang Los Angeles Lakers sa bisitang Utah Jazz, 109-94 sa NBA kahapon sa Crypto.com Arena. Magkasama pa rin sa taas ng liga ang Lakers at San Antonio Spurs na kahit kulang ay dinaig ang Sacramento Kings, 123-107.
Nagtabi ng enerhiya ang Lakers para sa huling quarter at mula sa 78-77 lamang ay lumaki ito sa 107-90 pagsapit ng huling dalawang minuto. Nanguna sina Luka Doncic na may 28 at Jake LaRavia na may 15 para umangat sa 15-3 at bumawi sa 97-109 talo sa Jazz noong Nobyembre 18.
Lumiban sina Victor Wembanyama, De'Aaron Fox at kabayan Dylan Harper pero hindi hinanap ng SA ang kanilang serbisyo para tumbasan ang 15-3 ng Lakers. Tinakpan ni Stephon Castle ng puwang sa kanyang 28 habang 22 si Justin Champagnie.
Hindi nakasabay sa martsa ng mga paborito ang Philadelphia 76ers at ginulat sila ng bisitang Portland Trail Blazers, 128-111. Uminit si Deni Avdija para sa 31 at tig-18 sina Damian Lillard at reserba Jrue Holiday.
Nagtala ng bagong personal na markang 34 si Jaden McDaniels at tinambakan ng Minnesota Timberwolves ang Brooklyn Nets, 142-116. Gumana para sa 32 si Kevin Durant para itulak ang Houston Rockets sa 116-104 panalo sa LA Clippers.





Comments