top of page

Tatay ng biktima, puwedeng magsampa ng kaso vs. mapang-abusong nanay

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 5, 2024
  • 3 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | September 5, 2024



Magtanong kay Attorney ni Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta,


Noong 2018, nagpakasal ako kay Kate. Nagkaroon kami ng isang anak, si Sophia. Maayos naman ang aming naging pagsasama. Ngunit, ito ay tumabang noong nadiskubre ko na mayroon na pala siyang karelasyon na ibang lalaki. Dahil dito, napagdesisyunan naming maghiwalay. Bagama’t kami ay naghiwalay ay patuloy pa rin ang pagpapadala ko ng sustento kay Kate para sa pag-aaral ng aming anak. Ngunit nalaman ko na ang perang ipinapadala ko ay ginagamit niyang pangsugal, at kapag natatalo siya sa sugal ay umiinit ang kanyang ulo kaya nasasampal niya at nabubugbog si Sophia. Tinatakot din ako ni Kate na kapag hindi ako nagpadala ng pera ay sasaktan niya ang aming anak. Nais ko lang malaman kung maaari ko bang gamitin ang mga remedyo sa batas na Anti-Violence Against Women and their Children Act sa ngalan ng aking anak na si Sophia upang sampahan ng kaso ang kanyang ina na si Kate? — Ralph


Dear Ralph,


Ayon sa Korte Suprema, sa pamamagitan ni Kagalang-galang na Kasamang Mahistrado Mario V. Lopez, sa kasong Randy Michael Knutson, acting on behald of minor Rhuby Sibal Knutson vs. Hon. Elisa R. Sarmiento Flores and Rosalina Sibal Knutson, G.R. No. 239215, July 12, 2022, pinapayagan ng Republic Act No. 9262 o mas kilala sa tawag na “Anti-Violence Against Women and their Children Act of 2004”, na ang tatay ng batang biktima ng pang-aabuso ang magsampa ng kaso sa korte para sa proteksyon ng kanyang menor-de-edad na anak at para makuha niya ang kustodiya nito. Ayon sa desisyon ng Korte Suprema: 


“RA No. 9262 allows the father of the offended party to apply for protection and custody orders. xxx


Section 9 (b) of RA No. 9262 explicitly allows “parents or guardians of the offended party” to file a petition for protection orders. The exact provision was incorporated in Section 12 (b) of the Implementing Rules and Regulations of RA No. 9262 and Section 8 (b)28 of A.M. No. 04-10-11-SC, or the Rule on Violence Against Women and Their Children. The statute categorically used the word “parents” which pertains to the father and the mother of the woman or child victim. Absolute Sentencia Expositore Non Indiget. The law speaks in clear language and no explanation is required. There is no occasion for the Court to interpret but only to apply the law when it is not ambiguous. Similarly, the statute did not qualify on who between the parents of the victim may apply for protection orders. Ubi lex non distinguit, nec nos distinguere debemus. When the law does not distinguish, the courts must not distinguish.” 


Ang nasabing batas ay may layunin na proteksyunan at ingatan ang karapatan ng mga babae at kanilang mga anak na wala pa sa 18 taong gulang. Ang batas na ito ay nilikha dahil sa dumaraming bilang ng pang-aabusong pisikal at sikolohikal, pang-aabuso sa pamamagitan ng salita, at pananakot na hindi magbibigay ng suporta ang asawa at anak. 


Maliban dito, ipinaliwanag din ng Korte Suprema sa nasabing kaso na sinasakop din ng nasabing batas ang mga pang-aabusong ginagawa ng nanay sa kanyang sariling anak. Malinaw sa Sec. 3(a) ng nasabing batas na maaaring panagutin ang sinumang gumawa ng pang-aabuso sa bata.  Ibig sabihin, hindi nagtatangi o hindi nililimitahan ng batas ang kasarian ng taong makagagawa ng pang-aabuso, dahil ang terminong ginamit ay “any person”. Ibig sabihin ay “kahit sino”.  Kaya naman, ang nanay na nang-aabuso at nagmamaltrato sa kanyang sariling anak ay maaari ring managot sa batas. 


Dahil dito, base sa iyong salaysay, maaari kang magsampa ng kaso sa ngalan ng iyong anak na si Sophia, laban sa iyong asawa. Ito ay para sa proteksyon ni Sophia laban sa pang-aabusong pisikal at sa maaaring maidulot na sikolohikal na abuso sa kanya, lalo na at may pagbabantang ginawa ang iyong dating asawa na muli niyang sasaktan ang inyong anak. 


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page