top of page
Kim Chiu - IG.jpg

Tatay na pinabayaan ang anak, ikulong

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jan 21, 2025
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Jan. 21, 2025



Boses by Ryan Sison

Para sa mga anak na binabalewala lang at hindi nasusustentuhan ng kanilang mga ama, huwag na masyadong mag-alala dahil may nakalaang suporta sa kanila.


Pinag-aaralan na kasi ng House of Representatives’ Committee on Appropriations ang kakailanganing pondo para makapagtatag ng tanggapan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na mangangasiwa sa pagpapatupad ng House Bill (HB) 8987 o Act Ensuring Child Support and Penalizing Parental Refusal or Neglect Thereof.


Ito ay matapos aprubahan ng House Committee on Children’s Welfare ang naturang bill na nagmumungkahi ng parusa na hanggang anim na taong pagkakakulong para sa mga ama na deadbeat o ayaw magsustento sa kanilang anak.


Sa mga naganap na hearing, napagkasunduan na ang suportang pinansyal na dapat ibigay ng mga ama ay magiging depende sa mga pangangailangan ng bata.

Aatasan ng batas ang DSWD, sa pakikipagtulungan ng National Economic and Development Authority, na idetermina o tukuyin ang halaga ng sustento para sa anak. 


Binigyang-diin ni House Deputy Majority Leader at ACT-CIS Partylist Rep. Erwin Tulfo, isa sa mga may-akda ng panukalang batas, na kailangang-kailangan na ang batas na ito.


Aniya, dapat na maparusahan ang mga tatay na ayaw bigyan ng suporta ang kanilang mga anak lalo na kapag iniwan na nito ang kanyang pamilya. 


Batay sa mga panukalang batas, ang mga ina na nagpapalaki ng kanilang mga anak nang mag-isa, kung saan tinatayang aabot sa 15 milyon, ay hindi na kailangang mamalimos o makiusap sa kanilang mga dating partner o sa mga ama ng kanilang mga anak para sa suportang pinansyal.


Nararapat nga sigurong parusahan ang amang nagpapabaya at ayaw na sustentuhan ang kanyang mga anak.


Bilang isang ama, responsibilidad natin na itaguyod at suportahan ang lahat ng pangangailangan ng pamilya. Hindi tama na basta-basta na lamang iiwanan ang mga anak sa kanilang ina sakali mang magkahiwalay na ang mag-asawa.


Alalahanin sana natin na may pananagutan tayong mga ama sa ating mga anak na dapat na mapalaki natin sila nang maayos at mabigyan sila ng magandang kinabukasan.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page