top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Tatag at pag-asa ng mga Pinoy kitang-kita ngayong 2021

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jan 4, 2021
  • 3 min read

Updated: Jan 9, 2021

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | January 4, 2021



Napakabilis ng panahon at ngayon ay nagsisimula na tayo sa panibagong taon ng ating buhay kung saan ay isa sa nais nating balikan ang isinagawang survey ng Pulse Asia noong nakaraang Nobyembre 23, hanggang Disyembre 2, 2020.


Face to face ang isinagawang survey ng Pulse Asia at kabilang sa kanilang inalam kung ano na ang kalagayan ng Pinoy matapos ipaalala ang mapait nilang karanasan sa nagdaang sunud-sunod na bagyo na bukod sa sumira ng ari-arian ay tumangay pa ng napakaraming buhay.


Hindi lang isang bagyo ang binanggit kung hindi mula sa Super Typhoon Rolly hanggang sa Bagyong Ulysses na halos buong bansa ay naapektuhan partikular ang Kabikulan hanggang sa dulong bahagi ng Cagayan Valley.


Binanggit din ang pagdating ng bakunang Pfizer at Moderna na nasa 90% hanggang 94.5% na umanong epektibo at kahit sinalanta tayo ng COVID-19 ay papalapit na ang solusyon.


Tinalakay din ang pagkakatalaga kay retired Army General Carlito Galvez, Jr. bilang vaccine czar ng bansa na siyang mamamahala sa pamamahagi ng bakuna para sa COVID-19 na inaasahang matatapos sa loob ng tatlo hanggang limang taon.


Ang pagkakapasa ng Senado sa ikatlo at pinal na pagbasa ng 2021 General Appropriations Bill (GAB) noong Nobyembre 26, 2020, at ang banta ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa mga opisyal ng gobyerno na sisibakin sakaling masasangkot sa katiwalain.


Nag-alok pa ng pabuyang P50,000 hanggang P100,000 ang Pangulo sa sino mang makapagtuturo o makapagbibigay ng impormasyon laban sa mga tiwaling opisyal ng pamahalaan.


Ang paglalagay sa blacklist ng Department of Works and Highways (DPWH) sa 25 kumpanya na sangkot sa iba’t ibang katiwalian, ang pagkakatalaga kay Major General Debold Sinas bilang bagong Philippine National Police (PNP) Chief mula Nobyembre 10, 2020 matapos masangkot sa surprise birthday sa loob ng Camp Bagong Diwa.


Ang pananatili sa General Community Quarantine (GCQ) status ng Metro Manila, Batangas, Lanao del Sur, at Davao del Norte hanggang Disyembre 31, 2020.


At maging ang katatapos na eleksiyon sa Amerika na itinanghal na bagong Pangulo si Joseph R. Biden ay isinama sa kabuuan ng isinagawang nationwide survey na ito ng Pulse Asia na tinawag na Ulat ng Bayan.


Lumalabas sa suvey na ito na sa hanay ng Filipino Adult ay nasa 55% ang nagsasabing wala namang nagbago sa pagdiriwang nila ng Pasko ng kanilang pamilya kumpara noong nakaraang taon na wala pang pandemya.


Sa kabila ng mga nakahanay na pangyayari ay umabot pa rin sa 91% ang Filipino Adult na haharapin ang bagong taon na punumpuno ng pag-asa at katatagan na walang pag-aalinlangan.


Napakataas din ng porsiyento na maraming Pinoy ang umaasa ng masagana at higit na kasaganaan kumpara noong nagdaang taong 2020 na halos lahat ng pagsubok ay ating sinalo at kinayang lampasan.


Hindi rin maitatangging sa nagdaang taon ay tumaas ang kaso ng anxiety at depression dahil sa pandemya ay unti-unti na tayong nakakakita ng liwanag dahil sa pagdating ng bakuna.


Marami rin sa ating mga kababayan ang kahit wala pang bakuna ay natuto na kung paano mamuhay na may suot na facemask, face shield at sanay na sa physical distancing na malaking bagay para pagtagumpayan natin ang pandemyang ito.


Kung nasira ng bagyo ang ating ari-arian, kung nawalan ang marami ng trabaho, kung nalugi ang maraming negosyo at kung naging biktima tayo ng maraming negatibo bunga ng pandemyang ito ay hindi naman natinag ang ating pagka-Pilipino.


Hindi rin natinag ang ating pag-asa na isang araw ay makakabangon tayong muli at babalik na ang ating mga ngiti.


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o

mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page