Task force na magpo-focus sa recovery at rehabilitasyon pagkatapos ng bagyo, oks!

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | December 2, 2020
Sa kabila ng mga sunud-sunod na pagsubok dala ng COVID-19 at mga bagyo sa bansa, patuloy pa ring nagtatrabaho nang may tiyaga at dedikasyon ang ating gobyerno upang pagsilbihan ang mga Pilipino. 'Ika nga, walang tulog ang serbisyo!
Noong nakaraang linggo, namigay tayo ng tulong sa mga probinsiya ng Cagayan, Lanao del Norte, Isabela, Rizal, Cebu, Cavite, Siquijor at Bulacan; at sa mga siyudad ng Malabon, Caloocan, Las Piñas, Quezon, Pasay, at Marikina.
Noong Lunes, personal tayong bumisita sa Cavite City upang tumulong sa mga biktima ng bagyo roon samantalang namigay muli ng tulong ang ating mga kasamahan sa opisina sa Isabela. Noong Martes naman, bumisita tayo sa mga nasunugan sa Quezon City.
Maganda man na makatulong tayo, kailangan pa rin nating magkaroon ng long-term na solusyon upang mapaghandaan ang mga bantang tulad ng bagyo, lindol at iba pang natural disasters.
Ito ang dahilan kaya hinimok natin ang national government agencies na bumuo ng mekanismo para magbigay ng holistic response sa mga panahon ng krisis. Mas pinalawig pa ito ni Pangulong Rodrigo Duterte nang buuin niya ang inter-agency “Build Back Better” task force na magpo-focus sa pagpapabilis ng recovery at rehabilitation efforts sa mga lugar na pinakaapektado ng mga nakaraang bagyo.
Kailangan din ng holistic approach sa ating recovery efforts pagdating sa COVID-19. Kaya hinikayat natin ang executive department na paigtingin ang unified approach nito sa implementasyon ng Republic Act No. 11494 o ang Bayanihan to Recover as One Act.
Patuloy din ang pagtatag natin ng Malasakit Centers sa bansa. Sa ngayon, mayroon na tayong 93 na Malasakit Centers matapos nating buksan ang bagong opisina nito sa Kapatagan Provincial Hospital sa Lanao del Norte.
Tuluy-tuloy din ang paghahanda ng gobyerno sa Balik Probinsya, Bagong Pag-asa Program kahit na pansamantala itong sinuspinde dahil sa pandemya. Layunin ng programang ito na bigyan ang mga Pilipino ng bagong pag-asa ng mas maayos na buhay kung sakaling piliin nilang manirahan muli sa kanilang probinsiya. Kasama na rito ang pag-decongest ng Metro Manila at pagbibigay ng pantay na oportunidad pangkabuhayan sa iba’t ibang rehiyon sa bansa.
Noong Martes ng nakaraang linggo, binisita natin ang Bagong Pag-asa Green Village sa Kauswagan, Lanao del Norte kasama ang ibang miyembro ng gabinete na parte ng BP2 council. Doon ipinakita ang komunidad para sa mga magiging benepisaryo ng BP2 program na uuwi sa Lanao Del Norte. Inihahanda rito ang mga pabahay at lupang puwedeng gamitin para mabigyan ng kabuhayan ang ating mga kababayang nais magsimula muli sa kanilang probinsiya. Ang National Housing Authority ay nagbigay din ng paunang 15 million pesos para sa lokal na pamahalaan ng Kauswagan upang maipatayo ang mga bahay at maisaayos ang komunidad bilang “pilot LGU” ng BP2 program.
Nakapasa na rin sa Senado ang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises o CREATE law na lalu pang magtataguyod sa kagustuhan nating mag-invest ang mga negosyo sa ating mga probinsiya.
Sa kasalukuyan, isinasaayos na rin ang budget para sa susunod na taon sa Bicameral Conference Committee ng Lehislatibo. Sinigurado nating magiging sapat at angkop ang pondo para tuluyang masolusyunan na ang mga krisis na ating hinaharap. Sisiguraduhin din nating magagamit ang pondo ng bayan sa wastong paraan at ni piso ay hindi mananakaw o masasayang.
Mahirap man ang ating hinaharap na pagsubok, hindi tayo tumitigil magtrabaho para tuluyang malampasan ang mga ito.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.





Comments