Tapang ni Comelec Chairman Garcia, nawala nang ihirit ni VP Sara na may dayaan sa eleksyon
- BULGAR

- Jun 15, 2025
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | June 15, 2025

DAPAT ANG HURADO PATAS, WALANG KINIKILINGAN -- Kinondena nina Philippine Constitution Association (Philconsa) Chairman, former Chief Justice Reynato Puno, dating Senate President Tito Sotto at ng iba’t ibang sektor ng lipunan ang pagiging bias at pag-aabogado ng majority senator-judges kay Vice Pres. Sara Duterte-Carpio kaugnay sa kinakaharap nitong mga impeachment complaints.
May punto sila na batikusin ang mga senator-judges dahil ang mga hurado sa anumang korte ay dapat walang kinikilingan sa pagitan ng akusado o maging ng complainants, kaya nga may piring ang hustisya na dapat patas ang trato ng korte sa anumang kasong kanilang hinahawakan, period!
XXX
COMELEC CHAIRMAN, NATIYOPE, NO COMMENT SA SINABI NI VP SARA NA MAY DAYAAN SA NAKARAANG SENATORIAL ELECTION -- Ang paniwala ni VP Sara ay nagkadayaan daw sa nakaraang senatorial election dahil dapat daw kasama sa mga nagwaging senador ang tatlo niyang kaalyado mula sa PDP party na sina Atty. Jimmy Bondoc, Atty. Jayvee Hinlo at Dr. Richard Mata.
Kapag may ibang pulitiko ang nagsabing nagkaroon ng dayaan sa nakaraang halalan ay buong tapang na ipinagtatanggol ni Comelec Chairman George Garcia ang komisyon at tinutuligsa nito ang nagsabi na may dayaan sa nakaraang eleksyon, pero nang si VP Sara na ang nagsabing nagkadayaan, natiyope ang Comelec commissioner, nawala ang tapang, no comment daw siya sa sinabi ng bise presidente, boom!
XXX
MALAKING BAGAY SANA ANG P200 DAGDAG-SUWELDONG ISINULONG NG KAMARA, KAYA LANG ‘PINATAY’ DAW ITO NG MAJORITY SENATORS -- Isinulong ng Kamara ang P200 dagdag-sahod sa mga manggagawa, pero ayon kay House Spokesperson Princess Abante ay hindi na ito magkakaroon ng katuparan dahil “pinatay” daw ito ng majority senators na pinamumunuan ni Senate President Chiz Escudero.
Hay naku, ang laking bagay sana iyang P200 dagdag-suweldo sa mga manggagawa kasi nga sobrang taas ng presyo ng mga bilihin at bayarin ngayon, pero ang majority senators, imbes suportahan ito, eh ang ginawa, dinedma kaya ang resulta, “kill” na ang panukalang batas na ito na naipasa sa Kamara, tsk!
XXX
KAMARA GALANTE SA DAGDAG-SAHOD SA MGA MANGGAGAWA, SENADO KURIPOT -- Itinanggi naman ni Sen. Jinggoy Estrada ang sinabi ni House Spokesperson Abante na “pinatay” nila ang P200 dagdag-sahod dahil ayon sa kanya, aprubado na rin daw kasi sa Senado ang P100 dagdag-sahod sa mga manggagawa, at mas makatotohanan daw ito (P100) na maaprubahan ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) kaysa sa P200 na nais ng Kamara na taas ng suweldo sa mga mga workers.
Sa isyung ito, diyan makikita ng publiko na galante pala ang Kamara at kuripot naman ang Senado sa pagbibigay ng dagdag-sahod sa mga manggagawa, period!







Comments