Pre-employment requirements ng kasambahay, sagot ng employer
- BULGAR

- 1 hour ago
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | January 22, 2026

Dear Chief Acosta,
Nag-a-apply ako bilang kasambahay rito sa amin. Pagkatapos ng una naming pag-uusap, hiningan ako ng mga pre-employment requirements, katulad ng medical certificate, police clearance, at birth certificate. Nag-aalala ako dahil wala akong sapat na pera para kumuha ng mga ito. Kailangan ba talaga ang mga dokumentong ito? Sino ba ang dapat sumagot sa gastos para sa mga requirements na ito? Nais ko po sanang maliwanagan. Maraming salamat po. – Mae
Dear Mae,
Binibigyang-diin ng Estado ang pangangailangan ng espesyal na proteksyon at karapatan ng mga mahihinang sektor ng lipunan, kabilang ang mga kasambahay o domestic workers. Ang Republic Act (R.A.) No. 10361, na kilala bilang “Domestic Workers Act” o “Batas Kasambahay,” ay nagtitiyak ng mga karapatan sa mga kasambahay at nagbibigay ng malinaw na proteksyon sa kanila laban sa pang-aabuso.
Sa Seksyon 12, Artikulo III ng batas na ito, nakasaad ang mga requirements na maaaring hingin ng isang prospective employer mula sa kasambahay.
“SEC. 12. Pre-Employment Requirement. – Prior to the execution of the employment contract, the employer may require the following from the domestic worker:
(a) Medical certificate or a health certificate issued by a local government health officer;
(b) Barangay and police clearance;
(c) National Bureau of Investigation (NBI) clearance; and
(d) Duly authenticated birth certificate or if not available, any other document showing the age of the domestic worker such as voter’s identification card, baptismal record or passport.”
Para sagutin ang iyong tanong, may karapatan ang employer na humingi ng mga pre-employment documents tulad ng medical certificate, police clearance, at birth certificate. Ito ay upang masiguro na ang kasambahay ay maayos ang kalusugan at walang anumang kaso o pananagutang legal. Kinakailangan ding maisumite ang lahat ng mga ito bago pirmahan ang kontrata.
Gayundin, ayon sa parehong seksyon ng batas, malinaw na nakasaad na ang gastos para sa mga pre-employment requirements ay dapat sagutin ng prospective employer:
“The cost of the foregoing shall be borne by the prospective employer or agency, as the case may be.”
Sa iyong sitwasyon, lahat ng gastos para sa mga pre-employment requirements ay obligadong sagutin ng iyong prospective employer. Ayon sa Seksyon 40, Artikulo IX, ng Batas Kasambahay, may kaukulang parusa para sa sinumang lalabag sa alinmang probisyon nito:
“SEC. 40. Penalty. – Any violation of the provisions of this Act declared unlawful shall be punishable with a fine of not less than P10,000 but not more than P40,000 without prejudice to the filing of appropriate civil or criminal action by the aggrieved party.”
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.








Comments