top of page

DepEd, ‘wag nang ipagliban ang reporma sa GASTPE

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 1 hour ago
  • 2 min read

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | January 22, 2026



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Sa nagdaang pagdinig ng Senate Committee on Basic Education, muli nating hinimok ang Department of Education (DepEd) na huwag nang ipagpaliban ang paglalabas ng bagong guidelines sa pagpapatupad ng Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (GASTPE), kabilang ang Senior High School Voucher Program (SHS-VP).


Kung ating babalikan, ang SHS-VP ay isa sa mga programa sa ilalim ng GASTPE, kung saan nakakatanggap ang mga kuwalipikadong mag-aaral ng tulong pinansyal sa pamamagitan ng isang voucher. Ginagamit ng mga benepisyaryo ng SHS-VP ang kanilang voucher upang makapag-aral sila sa mga pribadong paaralan. Sa ganitong paraan, mababawasan natin ang “congestion” o ang siksikan sa mga pampublikong paaralan dahil sa dumaraming bilang ng mga mag-aaral.


Nabibigyan din ng pagkakataon ang mga nangangailangang magulang na makapili ng mga paaralan kung saan maaaring makatanggap ng dekalidad na edukasyon ang kanilang mga anak.


Noong 19th Congress, pinangunahan ng inyong lingkod ang pagrepaso sa GASTPE, kung saan pinuna natin na meron palang mga benepisyaryong ‘ghost students.’ Ito ang mga estudyanteng nasa listahan na nakatatanggap ng voucher assistance ngunit hindi naman pisikal na pumapasok o kaya ay hindi naka-enroll sa mga paaralang nakikilahok sa SHS-VP.  


Pinuna rin natin na ang bilyun-bilyong pisong nilalaan sa SHS-VP ay napupunta sa mga mag-aaral na maituturing na non-poor. Noong sinuri ng aking tanggapan ang datos mula sa 2024 Annual Poverty Indicators Survey, lumabas na 67% ng mga benepisyaryo ng SHS-VP noong School Year 2024-2025 ay maituturing na non-poor o hindi naman talaga galing sa mga mahirap na pamilya. Lumabas din sa aming pagsusuri na hindi bababa sa P12.3 bilyon ang napunta sa mga non-poor na mga benepisyaryo noong SY 2024-2025. 


Dati nang nagmungkahi ang Senate Committee on Basic Education ng mga reporma sa GASTPE. Kabilang dito ang pagbibigay ng mga prayoridad sa mga nangangailangang mag-aaral at ang pagdisenyo ng programa upang mabawasan ang siksikan sa mga pampublikong paaralan. Halos dalawang taon na ang lumipas ngunit wala pang lumalabas na bagong guidelines ng DepEd upang matugunan ang mga leakage, ang mga ghost students, at ang nagpapatuloy na siksikan sa mga pampublikong paaralan. 


Ang pagkakaroon ng malinaw na sistema ay proteksyon para sa kapakanan ng mga estudyanteng tunay na nangangailangan ng tulong mula sa gobyerno. Kaya naman muli nating hinihimok ang DepEd na ilabas na ang mga bagong pamantayan dahil tapos na ang panahon para sa pangako. Panahon na para sa agarang aksyon. 


Matatandaan ding malaki at makasaysayan ang inilaan nating pondo para sa edukasyon ngayong taon. Kaya patuloy nating babantayan ang mga reporma sa edukasyon upang masiguro nating napapakinabangan ng mga mag-aaral ang buwis na binabayad ng taumbayan.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page