Tambak na campaign materials, may pakinabang pa sa mga inmates
- BULGAR

- May 19, 2025
- 3 min read
ni Ryan Sison @Boses | May 19, 2025

Maraming naiwang mga kalat ang nagdaang halalan. Nandiyan ang mga campaign materials gaya ng posters, tarpaulin, at kung anu-ano pa. Maituturing na nga ang mga itong basura na siguradong problema na naman na dapat nating tutukan.
Magkagayunman, hindi ba’t mas mainam kung ang mga campaign materials na ito ay hindi lamang basta itapon kundi gamitin muli at mapakinabangan?
Ito ang naging plano ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) matapos ang eleksyon, na sa halip na tuluyang itapon ang tambak na campaign paraphernalia na kanilang nahakot, ay ido-donate ang mga ito sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP). Layon ng kagawaran na mabigyan ng pagkakataon na makapagsimula muli ang mga persons deprived of liberty (PDLs) sa tulong ng mga recycled materials na ito.
Sa pamamagitan nito, ang mga campaign materials ay muling lilikhain — hindi bilang basura, kundi mga produktong pakikinabangan ng mga inmates.
Ayon kay MMDA Chairman Atty. Don Artes, ang mga nakalap na posters at tarpaulin ay gagamitin sa paggawa ng mga tote bags at iba pang panindang produkto na magbibigay ng karagdagang kita sa PDLs. Isa itong hakbang na hindi lamang tumutugon sa problema ng basura tuwing eleksyon, bagkus nagbibigay din ng bagong pag-asa at oportunidad sa mga nasa loob ng piitan.
Batay sa tala ng MMDA, umabot sa higit 10,000 kilo o 11.18 tonelada ng campaign
materials ang nakolekta mula sa iba’t ibang lungsod sa Metro Manila sa unang araw pa lamang ng cleanup matapos ang halalan noong Mayo 2025. Naitala rin na mahigit 23,000 piraso ng campaign paraphernalia ang nakuha mula sa 16 lungsod at isang bayan. Pinakamarami sa Maynila na may 4.05 tonelada, kasunod ang Muntinlupa na may 1.66 tonelada, at ilang distrito sa Quezon City na may 1.27 tonelada.
Sa ganitong inisyatiba, mas makabuluhan ang pagbabalik ng campaign materials sa lipunan — ngayong hindi na ito ginagamit para sa pulitika kundi para sa kapakanan ng mga nagnanais bumangon mula sa kanilang pagkakamali o pagkakasala.
Sa ganang akin sa halip na maging simbolo ng kalat at pagsasayang lamang, ang mga campaign posters ay maaaring maging tulay para sa rehabilitasyon at produktibong pagbabagong buhay ng mga kababayang inmates. Isa rin itong paalala sa mga pulitiko na ang bawat materyales na ginamit nila sa pangangampanya ay may kalakip na responsibilidad — at maaari pa ring magdulot ng kabutihan kung gagamitin nang tama.
Sa huli, makikita natin na ang naiwang basura ng halalan ay maaaring maging kayamanang pangkabuhayan kung ito ay pinamamahalaan nang maayos. Hindi lamang ito simpleng environmental effort kundi isang makataong hakbang. Bilang isang mamamayan, nararapat nating palakasin ang suporta sa mga programang nagbibigay ng pangalawang pagkakataon sa mga PDLs. Hindi sapat ang ikulong o parusahan lamang sila, mas mahalagang mabigyan sila ng kakayahang itama ang kanilang pagkakamali at muling makapamuhay nang may dignidad.
Ang inisyatibang ito ng dalawang ahensya ng gobyerno ay patunay na sa bawat dulo ng kampanya, may panibagong simula. Kung kayang pag-isahin ang pangangalaga sa kalikasan at pagbibigay-pag-asa sa kapwa, ito ay nagpapakita ng tunay na layunin ng pamahalaan — ang maglingkod nang may malasakit, hustisya, at pananagutan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments