Tamang proseso sa pagtanggal ng empleyado
- BULGAR
- May 19, 2022
- 3 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | May 19, 2022
Dear Chief Acosta,
Mayroong maliit na negosyo ang kaibigan ko. May isa siyang manggagawa na kinailangan niyang isuspinde nang ilang araw ayon sa kanilang patakaran dahil sa dami ng naging reklamo nito mula sa kanilang mga customer, pati na rin sa mga kasamahan nila sa trabaho.
Nagpadala na diumano siya ng return-to-work notice sa nasabing manggagawa, ngunit hindi pumasok sa itinakdang araw. Ang sabi pa ng inutusan niyang tao na nagdala ng notice ay nilukot at initsa lamang diumano ito, animo’y dismayado pa rin sa kanyang pagkakasuspinde. Sa ganoon po bang sitwasyon ay maaari nang ikonsidera na legal na tinanggal ang manggagawa? Para po kasing pagpapabaya o pang-aabandona na ‘yung ginawa niya.
Lancer
Dear Lancer,
Bagama’t ang pang-aabandona ng trabaho, kung malala o paulit-ulit, ay masasabing isang uri ng pagpapabaya o gross and habitual neglect by the employee of his duties ayon sa ating batas, partikular na sa Artikulo 297 ng ating Labor Code of the Philippines, hindi ito agarang dahilan para legal na tanggalin ang manggagawa. Kinakailangan pa rin dumaan sa tamang proseso o procedural due process ang pagtatanggal.
Hindi maaaring ipagpalagay lamang sa mga naging kilos ng manggagawa, tulad ng hindi pagsunod sa return-to-work notice, na inabandona nito ang kanyang trabaho, at higit na hindi maaaring tanggalin na lamang siya base sa nasabing kilos. Ipinaliwanag ng ating Korte Suprema sa bahagi ng naging Desisyon nito sa kasong Demex Rattancraft, Inc. and Narciso T. Dela Merced vs. Rosalio A. Leron (G.R. No. 204288, November 8, 2017, Ponente: Honorable Associate Justice Marvic M.V.F Leonen) ang sumusunod:
“Respondent's non-compliance with the return-to-work notices and his alleged act of crumpling the first return-to-work notice are equivocal acts that fail to show a clear intention to sever his employment. Strained relations caused by being legitimately disappointed after being unfairly treated could explain the employee's hesitation to report back immediately. If any, his actuations only explain that he has a grievance, not that he wanted to abandon his work entirely. x x x
Furthermore, it must be stressed that abandonment of work does not per se sever the employer-employee relationship. It is merely a form of neglect of duty, which is in turn a just cause for termination of employment. The operative act that will ultimately put an end to this relationship is the dismissal of the employee after complying with the procedure prescribed by law.”
Kung sadyang mayroong malala o paulit-ulit na pagpapabaya na ginawa ang nasabing manggagawa ay dapat bigyan siya ng written notice ng kanyang employer kaugnay sa dahilan ng maaaring pagtatanggal sa kanya, pati na rin ng pagkakataon na ipaliwanag ang panig niya. Kung mapatunayan na talagang siya ay nagpabaya at napagdesisyunan ng kanyang employer na siya ay tanggalin ay kailangan ipaalam ito sa nasabing manggagawa. Ito ay bahagi ng pagpapatupad ng procedural due process na hindi lamang batay sa napakaraming desisyon na ng ating Korte Suprema, kundi alinsunod na rin sa Artikulo 292 (b) ng ating Labor Code:
“(b) Subject to the constitutional rights of workers to security of tenure and their right to be protected against dismissal except for a just and authorized cause x x x, the employer shall furnish the worker whose employment is sought to be terminated a written notice containing a statement of the causes for termination and shall afford the latter ample opportunity to be heard and to defend himself with the assistance of his representative if he so desires in accordance with the company rules and regulations promulgated pursuant to the guidelines set by the Department of Labor and Employment. x x x”
Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyon na ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyon na ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa isang abogado.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.




Comments