top of page

Tamang gawain, malinis na puso at malapit sa Diyos, katangiang maaaring maging santo

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 3 days ago
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | November 3, 2025



Boses by Ryan Sison


Sa tuwing dumarating ang ganitong mga panahon, karamihan sa atin ay naging abala sa paghahanda — mga kandila, bulaklak, at dasal para sa mga yumaong mahal sa buhay. Pero sa gitna ng tradisyon, madalas nakakaligtaan ang pinakamahalagang aral ng paggunita at pagdiriwang, ang panawagan sa kabanalan. Ito mismo ang mensaheng binigyang-diin ni Rev. Fr. Jackson Doung Thuen Chi sa misa nitong nakaraan sa Baclaran Church para sa Dakilang Kapistahan ng Lahat ng mga Banal.  


Sa kanyang sermon, ipinaalala ni Fr. Thuen Chi na ang Araw ng mga Santo ay hindi lamang para sa mga opisyal na kinikilalang santo ng Simbahan. Bagkus, ito rin ay pagkilala sa mga ordinaryong tao — mga magulang, guro, manggagawa, o kahit sinong simpleng nilalang na nagpakita ng hindi matitinag na pananampalataya sa Diyos sa gitna ng mga hamon ng buhay. 


Ayon sa paring Franciscano, ang kabanalan ay hindi pribilehiyo ng iilan kundi biyayang abot-kamay ng lahat. Hindi kailangang may korona o rebulto bago ituring na banal; sapat na ang pusong marunong magmahal, magpatawad, at handang lumaban sa mga masasamang gawain. 


Ang mga santo, aniya, ay hindi ipinanganak na perpekto, kundi mga taong tapat ang pananampalataya, piniling tumindig para sa tama kahit mahirap. Inilarawan din ni Fr. Jackson ang mga katangiang dapat tularan mula sa mga santo — ang tapang na manindigan laban sa karahasan, ang pagmamalasakit sa mahihirap at mahihina, ang pagsasabuhay ng kabutihan kahit walang nakakakita.   


Paliwanag pa niya, ang kabanalan ay maaaring makamtan ng sinuman, basta’t isinasabuhay ang mga aral ng Diyos.


Sa panahong laganap ang kasinungalingan at kasakiman, kailangan nating tandaan na ang tunay na kabanalan ay makikita sa mga gawaing may puso, hindi sa mga salitang magaganda lamang pakinggan. 


Kung tutuusin, araw-araw tayong binibigyan ng pagkakataong maging santo sa ating sariling paraan, sa pagtulong sa kapwa, sa pag-unawa sa mga nagkakamali, at sa pagsasabuhay ng kabutihan para sa iba kahit walang kapalit. 


Gayundin, ang ganitong araw ay paalala na hindi kailangang mamatay bago maging inspirasyon. Sa bawat mabubuting gawa, may pag-asang nabubuhay, sa bawat pag-ibig na ibinabahagi, may kabanalang naipapasa. 


Kaya habang patuloy tayong nag-aalay ng mga dasal para sa mga santo at sa yumao nating mga mahal sa buhay, sana’y isama rin natin sa ating panalangin na tayo mismo’y maging buhay na patotoo ng kabanalan.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page