top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

Taliwas sa batas ang pagkaltas sa suweldo ng kasambahay bilang pambayad sa ahensiya nito

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Nov 9, 2020
  • 2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | November 9, 2020



Dear Chief Acosta,


Ako ay may pinsang namamasukan bilang kasambahay sa Maynila. Nakapasok siya sa pamamagitan ng placement agency. Matapos ang higit dalawang taong pamamasukan ay hindi pa diumano niya natatanggap ang katumbas ng kanyang dalawang buwang suweldo. Ang sabi ng kanyang ahensiya ay itinuturing na bayad sa ahensiya ang halaga ng dalawang buwang suweldo niya para sa mga gastusin nila sa recruitment fees, at paglalakad ng kanyang mga papeles tulad ng mga medical at NBI clearance sa kanyang pamamasukan. Legal ba ang pagkakaltas ng ahensiya niya na ito? Ano ang nasasabi ng batas tungkol dito? –Aevo


Dear Aevo,


Ang pagkakaltas sa sahod ng kasambahay bilang kabayaran sa recruitment fees o iba pang mga pangangailangang dokumento para makapagtrabaho ay walang legal na basehan at taliwas sa itinatakda ng batas.


Ayon sa Section 3, Rule II ng Implementing Rules and Regulation (IRR) ng Republic Act (R.A.) No. 10361, na kilala bilang Kasambahay Law, ang recruitment fees o mga gastuhin sa pagkuha ng kasambahay ay dapat binabalikat ng employer o ng pinapasukang amo. Hayagan ding isinasaad ng batas na ang gastusin sa pagkuha ng mga pre-employment requirements, kasama ang NBI clearance and medical certificate ay dapat balikatin din ng employer. (Ibid, Sec. 4, Rule II)


Ang tanging pagkakataon kung kailan pinapayagan ng batas na bawiin ng employer ang mga nasabing gastusin sa kasambahay ay kapag lumisan ito nang walang katuwiran o di-makatuwiran sa loob ng anim na buwan mula sa panimulang petsa ng kanyang pamamasukan. (Sec. 3, Rule II) Ang nabanggit na probisyon ng batas na ito ay hindi magagamit para sa sitwasyon ng inyong pinsan dahil nabanggit mo na higit dalawang taon na siyang namamasukan sa kanyang amo.


Dahil sa kawalan ng legal na basehan para kunin at kaltasan ng ahensiya ng inyong pinsan ang suweldo niya bilang bayad umano sa recruitment fees at pre-employment requirements, maaari niya itong singilin nang agaran mula sa kanyang amo o ahensiya. Nasasaad sa Section 3 (i), Rule II ng IRR of RA 10361 na inoobliga ang mga placement agency at employer ng kasambahay na sabay at magkasama nilang panagutan ang tamang kabayaran sa sahod at parehong siguraduhing hindi sisingilin o pagbabayarin ang kasambahay sa anumang recruitment o placement fees (Id., Sec 3(e)).


Mula rito, malinaw na ipinagbabawal ng batas na bawasan ng ahensiya o ng kanyang amo ang suweldo ng kasambahay bilang kabayaran sa mga nasabing recruitment fees at pre-employment requirements. Ang nasabing gastusin ay itinatalagang pananagutan at pasanin ng mga employer alinsunod sa mga nabanggit na batas.


Sana ay nabigyan kaliwanagan namin ang iyong katanungan. Tandaan na ang aming payo ay batay lamang sa inyong mga isinalaysay at ang aming pag-unawa rito. Anumang pagbabago sa mga detalyeng ibinigay ay maaaring magbago rin sa aming payong legal.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page