top of page

Talas ng isip ng mga kandidato, dapat subukin sa debate

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jan 25
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Jan. 25, 2025



Boses by Ryan Sison

Bukod sa ipinagmamalaking plataporma at programa, bilang isang kandidato nararapat din na masubok ang galing at talas ng pag-iisip sa pagpapaliwanag ng mga mahahalagang usapin sa ating bansa.


Ayon sa Commission on Elections (Comelec), plano nilang maglabas ng resolusyon o order upang maobliga ang mga kandidato na tatakbo sa 2025 election na dumalo sa mga televised debate ilang buwan bago ang eleksyon. 


Batay sa kagawaran, makakatulong ito sa pagpapasya ng mga mamamayan sa pagboto sa midterm election na gaganapin sa Mayo, ngayong taon. 


Sinabi ng Comelec na ang lahat ng kandidato at maging ang mga nangunguna sa pre-election surveys ay kailangang daluhan ang mga magaganap na debates dahil may mga pagkakataon umano na ipinagsasawalang-bahala ng mga ito ang mga televised debates para makaiwas sa mga bagay na maaaring makaapekto sa kanilang pagkapanalo. 


Matatandaan na hindi mandatory na lumahok sa anumang election debates ang mga kandidato noong nakalipas na presidential election, subalit ngayon ay hindi na papayagan ng Comelec ang hindi pagsipot ng mga kandidato sa mga magaganap na debate. 


Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, kinakailangan na sumunod ang mga kandidato sa patakaran ng kagawaran. 


Aniya pa, may karapatan silang i-compel na dumalo ang mga kandidato sa mga debate dahil isa ito sa regulasyon ng Comelec. 


Paliwanag din ni Garcia, na hindi sila magho-host ng election debates dahil taliwas ito sa batas at ipinauubaya na niya sa media ang mga mangyayaring debate. 


Kaya naman ineengganyo ng poll chief ang mga radio at television station na nais magpadebate sa mga kandidato ng senatorial 2025 midterm elections.


Marahil, tama ang gagawing ito ng kinauukulan dahil dito mababatid ang husay talaga ng isang kandidato.


Masusubok din sa mga debate kung paano sagutin ng mga pulitiko ang mga mabibigat na isyu na maaaring nagaganap na o magaganap pa sa ating bansa.


Kumbaga, hindi puro papogi lang ang kanilang alam kundi masusubok ang kakayahan at kaalaman nila para maresolbahan ang mga problemang kinakaharap ng bansa.  


Sa ganitong paraan, makikilatis din ng taumbayan kung sino ang nararapat na iluklok sa puwesto at maging lider ng bansa na totoong makatutulong sa ikauunlad ng lahat.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page