top of page

Talakayan at singitan sa Pambansang Budget, ibuyangyang sa publiko

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 8
  • 2 min read

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | August 1, 2025



Asintado ni Judith Sto. Domingo


Panahon na para ganap na isapubliko ang lahat ng diskusyon at alokasyon patungkol sa panukalang Pambansang Budget lalo na ng mga kinatawan ng Senado at Kamara de Representantes sa Bicameral Conference Committee kung saan “closed door” nilang laging pinagkakasunduan ang mga probisyon ng National Expenditure Program ng pamahalaan. 


Dapat huwag nang pumayag at obligahin na ng sambayanang Pilipino, lalo na ang mga matapat na nagbabayad ng buwis mula sa dugo at pawis, ang buong Kongreso — na ibuyangyang na ang pagpupulong nilang ito gaya ng nararapat. 


Hindi natin dapat pang payagan ang mga mambabatas na sila-sila na lamang ang magkarinigan at mag-usap-usap tungkol sa kung saan-saan dapat ipaglalagay ang pondo ng pamahalaan, kung wala nga silang itinatago o gustong sarilinin. 


Nananawagan tayo sa lahat ng nagmamalasakit na ordinaryong Pilipino na gamitin ang kapangyarihan ng ating kanya-kanya at sama-samang tinig sa social media upang pa-alingawngawin ang karapatan nating mabatid ang bawat pinaglalagakan ng pera ng gobyerno.


Huwag na tayong pumayag na gawing saling pusa ng mga kinatawan sa bicam na gustong isantabi ang boses ng taumbayan na lagi na lamang kinakaya-kaya sa loob ng matagal na panahon. Kaya naman nagawa nilang isarado sa publiko ang mga pag-uusap na ito nang wala tayong nagawa. 


Dapat ding malinaw sa iniimprentang Pambansang Budget ang bawat linya ng alokasyon, upang hindi makapagsingit ang mga taksil sa bayan ng mga pondong kanilang naitatago nang hindi kayang hanapin kahit ng sarili nilang baguhang legislative staff na hindi sanay bumungkal ng mga volume ng librong ito. 


Ayon sa pinakahuling OCTA Research survey, bumaba ang trust at approval ratings ng Senado nitong nagdaang second quarter na hindi man lang lumampas ng 50 porsyento pareho na dati namang lampas dito. 


Lalong bababa iyan kapag patuloy silang nagbingi-bingihan sa panawagan ng taumbayan na ibuyangyang ang kanilang ginagawang pagtalakay ng panukalang Pambansang Budget.


Hindi gaya ng dati na madali mabusalan ang bibig ng mga dapat maghayag ng katotohanan at kontrolin ang naratibo ng mga pangyayari para sila paboran, ngayon ay hindi na sila basta makapagtatago sa katotohanang ayaw nilang ilabas ang buong katotohanan sapagkat nakamatyag ang taumbayan na lahat ay maaaring magsalita at panigan ng kapwa ordinaryong mamamayan hanggang sa ito ay umalingawngaw sa buong sambayanang Pilipinas — na maaaring magpatumba sa mga inihalal na tampulan ng kanilang marapat na poot at ngitngit. 


Nananawagan tayo ngayon pa lamang kay Senate President Chiz Escudero at House Speaker Martin Romualdez na pagkaisahang isapubliko ang paparating na bicam ilang buwan mula ngayon para mapagkasunduan ng dalawang kapulungan ang National Budget — kasama ang taumbayan. 


Hayaan ang sambayanang Pilipino na makibahagi sa napakahalagang proseso ng pagsasabatas ng General Appropriations Act!


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page