Taksil na misis, maaari bang bawian ng kustodiya ng anak?

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | November 28, 2026

Dear Chief Acosta,
Naghiwalay kami ng asawa ko dahil sa kanyang pagtataksil, at wala na ring pag-asa na magkabalikan pa kami. Ang gusto ko lamang ay mapunta sa akin ang kustodiya ng aming anak na 4 na taong gulang, ngunit hindi kami magkasundo ng aking asawa sa usaping ito. Maaari ko bang makuha ang kustodiya ng aming anak? — Glenn Dale
Dear Glenn Dale,
Kapag nawala na ang pagmamahalan sa pagitan ng mag-asawa at ang kasal ay hindi maiiwasang mauwi sa paghihiwalay, ang pinakamapait na alitan ay kadalasang tungkol sa kustodiya ng mga anak. Tungkulin ng hukuman na ayusin ang magkasalungat na mga kahilingan ng mga magulang para sa kustodiya ng kanilang anak na wala pang pitong (7) taong gulang.
Mayroong hayagang pagkilala ayon sa batas na, bilang pangkalahatang tuntunin, ang isang ina ang dapat na mas piliin sa pagbibigay ng kustodiya sa mga batang wala pang pitong taong gulang. Ang paalala sa Artikulo 213 ng Family Code ay hindi maaaring balewalain, maliban kung ang korte ay nakakita ng dahilan upang mag-utos ng iba.
Kaugnay nito, pinasiyahan ng ating Korte Suprema sa kaso ng Joycelyn Pablo-Gualberto vs. Crisanto Rafaelito Gualberto V, G.R. No. 154994, 28 Hunyo 2005, sa panulat ni Honorable Chief Justice Artemio V. Panganiban, na dahil walang sapat na patunay ng anumang matibay na dahilan upang ihiwalay ang menor-de-edad sa kanyang ina, ang kustodiya ay dapat manatili sa kanya:
“As pointed out earlier, there is express statutory recognition that, as a general rule, a mother is to be preferred in awarding custody of children under the age of seven. The caveat in Article 213 of the Family Code cannot be ignored, except when the court finds cause to order otherwise.
The so-called ‘tender-age presumption’ under Article 213 of the Family Code may be overcome only by compelling evidence of the mother’s unfitness. The mother has been declared unsuitable to have custody of her children in one or more of the following instances: neglect, abandonment, unemployment, immorality, habitual drunkenness, drug addiction, maltreatment of the child, insanity or affliction with a communicable disease.”
Tinalakay sa kasong nabanggit na kahit na ang isang ina ay naging taksil sa kanyang asawa, hindi sapat itong dahilan para tanggalan siya ng karapatan sa kustodiya ng kanyang anak na wala pang pitong (7) taong gulang. Upang bawian ng kustodiya ng anak, dapat malinaw na maitatag na ang moral lapses ng isang inang nagkasala ay nagkaroon ng masamang epekto sa kapakanan ng bata.
Kung gayon, sa inyong sitwasyon, kailangan mong maipakita na ang tamang moral at sikolohikal na pag-unlad ng bata ay nagdusa bilang resulta ng pakikipagrelasyon ng iyong asawa sa kanyang kabit.
Nawa ay nasagot namin ang iyong katanungan. Nais naming ipaalala na ang opinyon na ito ay nakabase sa mga naisalaysay sa iyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang aming opinyon kung mayroong karagdagang impormasyon na ibibigay. Mas mainam kung personal kang sasangguni sa isang abogado.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.




Comments