Tagumpay ng mga atleta, tagumpay din ng mga Pinoy
- BULGAR
- Aug 6, 2024
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | August 6, 2024

HindiI lang isa kundi dalawa ang nasungkit na gintong medalya ni Carlos Yulo.
Kaya naman asahan na ng golden boy ng bansa ang engrandeng pagsalubong sa kanyang pagbabalik mula sa 2024 Paris Olympics.
Sinabi ni Manila Mayor Honey Lacuna na ang lungsod ay naghahanda na para sa isang hero’s parade upang parangalan ang two-time Olympic gold medalist na si Carlos.
Aniya, ia-announce nila ang petsa at ruta ng parada kapag nakapag-coordinate na sila sa team ni Carlos. Pansamantala ay iniisip nilang simulan ang parade kung saan nagsimula ang lahat – sa Leveriza Street sa Malate, kung saan lumaki si Caloy, tawag din sa kanya.
Ayon sa alkalde, ang parada ay daraan sa mga lugar na malapit sa Malacañang, ang University Belt, habang magtatapos ito sa Manila City Hall.
Sa Manila City Hall, pararangalan ng lokal na pamahalaan si Yulo ng cash incentives, honors, at recognition. Pahayag ni Lacuna, ito ang kanilang paraan ng pagbibigay pugay sa kadakilaan ni Caloy.
Kaugnay nito, nakikipag-usap na ang mayor sa mga kinauukulang kinatawan upang matiyak na makikita ng mga kabataan ng lungsod ang Olympian sa gagawing hero’s welcome.
Para masiguro na mas maraming kabataan ang makakasaksi sa parada ay pupuntahan ni Lacuna ang mga paaralan sa Maynila, sa pakikipagtulungan ng Department of Education (DepEd) at mga pribadong paaralan, upang masaksihan at makita nang malapitan ng mga estudyante ang golden boy. Gayundin aniya, ang tagumpay ni Carlos Yulo ay magsisilbing inspirasyon para mas madiskubre nila ito bilang isa sa mga kabataan ng Maynila at ng buong Pilipinas.
Ang 24-anyos na decorated gymnast ay isa ring Outstanding Manilan Awardee.
Lumaki si Yulo sa kanyang family home sa Malate, Manila, ang lugar kung saan siya nagsimulang mag-tumbling sa kalapit na playground o palaruan.
Kalaunan ay dinala siya ng kanyang lolo na si Rodrigo Frisco sa Rizal Memorial Stadium para magsanay sa Gymnastics Association of the Philippines (GAP).
Gumawa ng kasaysayan si Yulo para sa Pilipinas matapos humakot ng dalawang gintong medalya sa Paris Olympics sa floor exercise at vault event sa men’s artistic gymnastics.
Nararapat lamang para sa isang tulad ni Carlos Yulo ang mabigyan ng hero’s parade dahil sa kanyang natatanging husay, at sa karangalang ipinagkaloob niya sa ating bansa.
Siya rin ang unang nakakuha ng gintong medalya sa Paris Olympics, kaya naman buong Pilipinas ay talagang nagdiriwang sa kanyang tagumpay.
Para sa iba nating mga kababayang atleta na naroroon at lumalaban, ipagpatuloy lamang ito habang laging isipin na ang inyong tagumpay ay tagumpay din ng lahat ng Pilipino.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments