Tagapagmanang hindi nakasama sa hatian
- BULGAR
- 9 hours ago
- 3 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | May 15, 2025

Dear Chief Acosta,
Ang kapatid kong si Mario ay napangasawa si Foren. Wala silang naging anak. Noong 2021 ay namatay si Mario. Mayroon siyang iniwan na apat na lupain sa Nueva Ecija. Gumawa si Foren ng isang kasulatan na may pamagat na “Deed of Self Adjudication.” Sinabi niya roon na wala silang anak ni Mario. Inilagay din niya na patay na ang mga magulang namin, at sinabi rin niya na walang kapatid si Mario kaya siya lang ang dapat magmana ng mga ari-arian nito. Nalaman ko lang ito noong 2024, nang sinabi sa akin ng kaibigan ko sa Nueva Ecija na ibinebenta diumano ang nasabing lupa, kaya sinabi ko kay Foren na magsusumite ako ng kaso sa korte para ipawalang-bisa ang nasabing dokumento. Ngunit dahil nakapag-aral si Foren ng batas sa loob ng dalawang taon ay sinabi niya na hindi ko na ito maaaring isumite sa korte dahil dalawang taon lang ang ibinibigay ng batas para sa mga tagapagmana na hindi nakasama sa nasabing dokumento. Tama po ba si Foren? — Adie
Dear Adie,
Ayon sa Article 1001 ng New Civil Code of the Philippines, kung ang naiwang kamag-anak lang ng isang yumao ay ang kanyang asawa at mga kapatid, ang asawa ay may karapatan sa kalahati ng iniwang ari-arian, at ang kalahati naman ay mapupunta sa mga kapatid.
Nakasaad din sa Section 1, Rule 74 ng Rules of Court na kung ang yumao ay walang huling habilin, walang utang, at ang lahat ng mga tagapagmana ay hindi na menor-de-edad o kung menor-de-edad ay nirerepresenta ng kanilang ligal na kinatawan, maaari nilang hati-hatiin ang mana sa pamamagitan ng tinatawag na extra-judicial settlement of estate.
Ang tanong ngayon ay paano kung mayroong mga tagapagmana na hindi nakasama sa extra-judicial settlement of estate? Ayon sa Section 4, Rule 74 ng nasabing panuntuan:
“SEC. 4. Liability of distributees and estate. — If it shall appear at any time within two years after the settlement and distribution of an estate in accordance with the provisions of either of the first two sections of this rule, that an heir or other has been unduly deprived of his lawful participation of the such heir or such other person may compel the settlement estate in the courts in the manner hereinafter provided for the purpose of satisfying such lawful participation. x x x”
Ayon sa nabanggit na artikulo, kung sa loob ng dalawang taon mula sa pagsasaayos at pamamahagi ng mga ari-arian ng yumao ay may mga tagapagmana na nawalan ng karapatan sa kanilang mana, maaari silang magsumite sa korte ng kaso para ayusin ang mga naiwang ari-arian.
Ngunit sa kasong Benny Sampilo vs. Court of Appeals and Felisa Sinopera (G.R. No. L-10474, 28 February 1958), nilinaw ng Korte Suprema, sa pamamagitan ni Kagalang-galang na Kasamang Mahistrado Alejo Labrador, na ang dalawang taon na nabanggit sa nasabing batas ay maaari lamang gamitin ng (1) mga tagapagmana na nakisali sa nasabing hatian ng mana, at (2) kung ang mga pangangailangan na nabanggit sa Section 1, Rule 74 ay natupad.
Samakatuwid ang karapatan ng mga tagapagmana na hindi nakilahok o hindi makisali sa hatian ng ari-arian o sa extra-judicial settlement of estate ay hindi mapapaso kahit na makalipas ang dalawang taon mula nang isinaayos o ipinamahagi ang mga ari-arian.
Sa iyong sitwasyon, maaari kang magsumite ng kaso sa korte para kuwestiyunin ang Deed of Self-adjudication na ginawa ng iyong hipag kahit na lumagpas na ang dalawang taon simula nang isinaayos niya at ibinigay niya sa kanilang sarili ang lahat ng ari-arian ng iyong namatay na kapatid.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.
Comments