top of page

Senior High School graduates maaari nang mag-apply sa gobyerno

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 15 hours ago
  • 2 min read

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | May 15, 2025



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


 

Magandang balita sa ating mga kababayan: may pagkakataon na ang ating mga senior high school graduates na makapasok ng trabaho sa gobyerno.


Inamyendahan kamakailan ng Civil Service Commission (CSC) ang mga education requirements sa mga first-level positions sa gobyerno, bagay na magbibigay ng pagkakataon sa ating mga senior high school graduates na pumasok sa serbisyo-publiko.


Kabilang sa mga first-level positions ang mga clerical, trade, craft, custodial, at iba pang sub-professional work sa parehong supervisory at non-supervisory roles.


Sinusuportahan natin ang hakbang na ito, lalo na’t isinusulong natin ang mas pinalawak na mga oportunidad para sa ating mga senior high school graduates. Noong tinalakay natin ang Batang Magaling Act (Senate Bill No. 2367) noong 2023, hinimok natin ang CSC na amyendahan ang mga pamantayan ng “hiring” sa gobyerno upang makapasok ang ating mga senior high school graduates. 


Matatandaan din na noong 2018, pinuna ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) na hindi nagkaroon ng pagbabago sa mga requirements ng CSC upang makapasok ang mga senior high school graduates sa mga first-level positions sa gobyerno.


Mahalagang hakbang ang ginawang ito ng CSC upang iparating sa ating mga kababayan na may halaga ang dinagdag nating dalawang taon sa high school. Kung babalikan natin ang mga resulta ng isang Pulse Asia survey na isinagawa noong March 2025, lumalabas na apat sa 10 sa ating mga kababayan ang hindi kuntento sa programang senior high school.


Noong tinanong ang ating mga kababayan kung bakit hindi sila kuntento sa programa, pangunahing dahilan ang dagdag-gastos para sa ating mga magulang. Pangalawa, itinuturing na hindi sapat ang senior high school diploma upang makakuha ng magandang trabaho.


Kaya naman patuloy na isusulong ng inyong lingkod ang pagpapalawig ng mga oportunidad upang makakuha ang ating mga senior high school graduates ng magandang trabaho. Sa ilalim ng Batang Magaling Act, iminungkahi natin ang isang probisyon, kung saan magiging mandato sa CSC na repasuhin at amyendahan ang mga polisiya nito para lumawak ang mga oportunidad para sa ating mga senior high school graduates.


Isinusulong din natin sa ilalim ng Batang Magaling Act na gawin nang libre taun-taon ang assessment upang magkaroon ng national certification ang ating mga mag-aaral sa senior high school.


Makakaasa ang ating mga kababayan na patuloy na tututukan ng inyong lingkod ang mga repormang kinakailangan sa senior high school. 

Ipinangako natin dati na makakahanap ng magandang trabaho ang mga senior high school graduates. Panahon na upang tuparin natin ang pangakong ito.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page