Search
  • BULGAR

Tag-init na, mag-ingat sa heat stroke

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | April 05, 2021



Tapos na ang Semana Santa at papasok na naman tayo sa bagong linggo nang panibagong pakikibaka matapos ang isang linggong pagninilay-nilay at paggunita sa pananampalataya sa ating Panginoon.


Ngunit bago pa ang Semana Santa ay opisyal nang idineklara ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAG-ASA) ang tag-init at pinag-iingat tayong lahat sa heat stroke.


Maging ang Department of Health (DOH) ay nagbigay din nang babala sa publiko na kailangang mag-ingat laban sa heat stroke lalo pa at painit na nang painit ang temperatura hanggang sa mga susunod na araw.


Ayon sa ulat, ang mga senior citizen at mga bata ay mas lantad na makapag-develop ng heat stroke kaya kinakailangan ng dobleng pag-iingat lalo pa at punuan ang mga pagamutan dahil sa mabilis na pagtaas ng kaso ng COVID-19.


Ang heat stroke ay matinding heat illness na karaniwang dinaranas ng marami sa ating mga kababayan sa tuwing sasapit ang ganitong tag-init at nakararanas ng body overheat at hindi na mapababa ang nararamdamang init.


Kapag inatake ng heat stroke, makararanas ito ng grabeng pagpapawis na nauuwi sa dehydration dahil sa sobrang init na nararamdaman.


Kaya dapat bawat isa sa atin ay alam kung paano makapag-iingat laban sa heat stroke at iba pang heat-related illness na maaring magdulot ng sobrang panghihina na minsan ay nauuwi sa pagkasawi.


Ayon sa mga eksperto, hindi dapat binabalewala ang direktang pagbibilad sa araw lalo na sa katanghalian dahil ang labis na pagkabilad ay maaari nang humantong sa heat stroke.


Makabubuting magdala ng kahit anong bagay na maaaring makapagbigay-proteksiyon laban sa init tulad ng sombrero, payong, pamaypay at tubig na maaaring makapawi ng init.


Ipagpaliban na rin ang mga gawaing lantad sa kasagsagan ng init dahil karaniwan tinatamaan ng heat stroke ay mga nagtatrabaho sa bukid, mangingisda at construction workers dahil sa labis na pagbibilad sa araw.


Dapat ding matutunan ng marami sa atin ang mga ‘warning signs’ kung ang isang tao ay tinatamaan na ng heat stroke upang sa mas maagang pagkakataon ay makapagbigay tayo ng paunang lunas.


Karaniwan sa tinamaan ng heat stroke ay nakararanas ng panlalamig sa gitna ng mainit na pakiramdam, pamumula ng balat, lupaypay, nahihilo, nanghihina, masakit ang ulo mataas ang lagnat na mahigit sa 41 degress Celsius, mabilis ang tibok ng puso, kinukumbulsiyon at kawalan ng malay.


Sa panahon ng sobrang init, dapat binabawasan ang pananatili sa labas ng bahay, uminom ng maraming tubig, iwasan ang tsaa, soda at alkohol at iba pang inuming makakapagpalapot ng inyong laway.


Isa sa maaaring gawin kapag nakasaksi kayo ng tinamaan ng heat stroke ay agad dalhin sa malilim na bahagi ng lugar o ipasok sa bahay at agad ihiga habang nakataas ang dalawang binti.


Agad ding hubarin ang suot na damit at lagyan ng malamig na tubig ang balat habang pinapaypayan, makatutulong din ang paglalagay ng yelo sa kilikili, pulso, bukung-bukong at singit.


Habang ibinibigay ninyo ang mga pangunahing lunas ay siguruhing may tumatawag na ng ambulansiya upang agad na madala sa pagamutan ang tinamaan ng heat stroke upang tuluyang maisalba ang kanyang buhay.


Nasa kritikal tayong sitwasyon at marami na ang binabawian ng buhay na hindi nakakapasok ng ospital dahil sa umaapaw na ang mga pasyente na nahawa sa COVID-19, huwag na tayong dumagdag pa dahil baka sa heat stroke lang na kaya namang iwasan ay saka pa tayo mamaalam.


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.