Taas-presyo na nga ng mga pagkain, may dagdag-presyo pa sa cooking gas, grabe!
- BULGAR
- Sep 3, 2024
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | September 3, 2024

PANAY PABIDA NG MGA CONG. SA PAGGAWA NG BATAS PABOR SA MGA ATLETA, PERO PARA SA KAPAKANAN NG MARALITANG PINOY, ‘NGANGA’ -- Porke sikat ngayon ang mga atletang Pinoy na nakapag-uwi ng mga gold at bronze medals sa Pilipinas, panay pabida ng Kamara. May mga nagmungkahi na dagdagan ang premyong ibibigay, tax free, lifetime pension sa mga atletang makapag-uwi ng medalya sa ‘Pinas.
Diyan sila mahusay, magpabida para makasabay sa kasikatan ng mga atleta, pero sa paggawa ng batas paano iaahon sa kahirapan ang mga maralitang Pinoy, mga dedma, mga ‘nganga’! Boom!
XXX
TAAS NA NGA NG PRESYO NG MGA PAGKAIN, ITINAAS PA ANG PRESYO NG COOKING GAS -- Hindi lang ang oil price hike ang inaprub ng Dept. of Energy (DOE) kamakalawa (Sept. 1), kundi pati ang presyo ng LPG o liquified petroleum gas.
Ang idinagdag sa cooking gas ay P0.55 per kilo ng LPG.
Hay naku, pulos pahirap na lang sa mamamayan ang polisiya ng Marcos admin., ang taas na nga ng presyo ng mga produktong pagkain, tapos itinaas pa ang presyo ng cooking gas, tsk!
XXX
KUNG SA MGA PRESIDENTIAL SURVEY LAGING TOP SI VP SARA, MALAMANG SIYA NA NEXT PRESIDENT SA 2028 -- Sa latest presidential survey ng Oculum Research and Analytics, top na naman si Vice Pres. Sara Duterte-Carpio at napakalayo ng nakuhang rating ng bise presidente kina Sen. Raffy Tulfo at former VP Leni Robredo.
Kapag ganyan na laging top si VP Sara at malaki ang lamang ng rating niya kina Sen. Tulfo at ex-VP Robredo, ay tila ang anak na talaga ni ex-P-Duterte ang next president sa 2028, abangan!
XXX
DAPAT ABATAN NINA MR. AND MRS. YULO NA HUWAG MAIPALABAS SA SINEHAN ANG BUHAY NI CALOY KASI BAKA PALABASIN DITO, KONTRABIDA ANG PARENTS NI CALOY AT ANG DYOWANG SI CHLOE ANG BIDANG BABAE -- Nais daw ni double gold medalist Carlos Yulo na maisapelikula ang buhay niya, at kung sakaling may producer na magkainteres, dapat abatan ito ng mga magulang ni Caloy na huwag maipalabas sa mga sinehan.
Sa pelikula kasing ito malamang ay palabasin na mga kontrabida ang parents ni Caloy, at ang bidang babae ay ang dyowa niyang si Chloe. Malaki talaga ang posibilidad na ganyan ang mangyari kasi nagawa na ni Caloy sa social media na ipahiya ang ina, at itinakwil ang buong pamilya, period!
Comments