T'wolves gumanti sa Game 3 tinambakan ang OKC Thunder
- BULGAR
- 2 days ago
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | May 26, 2025
Photo: Ininumang nang i-shoot ni Jalen Williams ng Oklahoma City Thunder ang bola habang nakadepensa si Rudy Gobert ng Minnesota Timberwolves sa yugtong ito ng laban sa Game 3 ng Western conference finals ng 2025 NBA Playoffs sa Target Center kahapon. (Data Skrive)
Umiwas na mapahiya ang Minnesota Timberwolves sa harap ng kanilang mga tagahanga at tinambakan ang bisitang Oklahoma City Thunder, 143-101, sa Game 3 ng 2025 NBA Western Conference Finals kahapon sa Target Center. Nakatulong ng malaki ang paglaro sa sariling tahanan at naitala ng Timberwolves ang unang panalo matapos bumagsak sa unang dalawa.
Ipinasok ni OKC sentro Isaiah Hartenstein ang unang 4 puntos ng laro at mula roon ay puro Minnesota na ang lumikha ng ingay hanggang kunin ang unang quarter, 34-14, sa likod ng 16 ni Anthony Edwards. Hindi na nakaporma ang OKC at lalong lumaki ang agwat sa 129-84 bago ang huling 4 na minuto at tinatapos na ng mga reserba ang laro.
Kahit hindi na naglaro sa huling quarter si Edwards, pinangunahan pa rin niya ang Timberwolves na may 30 puntos buhat sa limang tres sa 30 minutong paglalaro. Bumawi si Julius Randle at nagtala ng 24 matapos gumawa ng 6 lang sa huling laro.
Ibinangko si Randle ni Coach Chris Finch sa huling quarter ng Game 2 noong Biyernes. Hindi na pinalaki ang usapin at nanindigan si Randle na tanggap niya ang ginawa ng coach.
Matapos magsabog ng kabuuang 69 sa unang 2 laro, 14 lang si MVP Shai Gilgeous-Alexander na kapantay ni reserba Ajay Mitchell. Sumunod si Jalen Williams na may 13.
Ang Game 4 ay ngayong Martes sa parehong palaruan. Dahil sa resulta, tiyak na may Game 5 sa Huwebes sa Paycom Center.
Samantala, layunin ng rumaragasang Indiana Pacers na lalong ipitin ang New York Knicks sa Game 3 ng East Finals ngayong Lunes sa Gainbridge Fieldhouse. Malupit ang ipinakita ng Pacers sa tagumpay sa unang dalawang laro sa Madison Square Garden.
Comments