Survey na gumanda ang pamumuhay ng 35% Pinoy, guni-guni lang ng SWS
- BULGAR
- 1 day ago
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | September 7, 2025

LALONG IDINIIN NI ENGR. CALALO ANG SARILI SA KASO NANG AMINING MULA SA MGA KONTRAKTOR ANG PERA NA IBIBIGAY SANA NIYA KAY CONG. LEVISTE -- Sablay ang palusot ni Dept. of Public Works and Highways (DPWH)-Batangas District 1 Engr. Abelardo Calalo na hindi raw maituturing na entrapment operation ang pagkakahuli sa kanya ng mga otoridad dahil hindi raw suhol ang higit P3 million ibibigay sana niya kay Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste para pagtakpan ang mga flood control project scam sa unang distrito ng lalawigan, kundi para raw panggastos sa mga programa ng young lawmaker sa kanyang distrito, na kesyo kaya lang daw siya ang nagdala ng pera ay dahil sa pakiusap ni Uswag Partylist Rep. Jojo Ang na kolektahan niya ng kuwarta ang mga kontraktor at ang koleksyon ay dalhin at ibigay kay Cong. Leviste.
Sa totoo lang, mas lalong ipinahamak ni Engr. Calalo ang kanyang sarili sa isyung ito dahil siya na ang umamin na nanghingi raw siya ng pera sa mga kontraktor na malinaw na labag ito sa batas, kasi nga siya ang head ng DPWH-Batangas District 1 na nagbibigay ng mga proyekto sa mga construction firm sa kanyang jurisdiction tapos manghihingi siya ng kuwarta sa mga kontratista. Kaya asahan na niya na sa pagdinig sa isinampang kaso sa kanya ni Cong. Leviste ay guilty ang magiging hatol sa kanya ng hukuman, masaswak siya sa kulungan, period!
XXX
SP ESCUDERO, HINDI TATANTANAN NI TITO SEN. SA SINGIT NA P142B PORK BARREL SA 2025 NATIONAL BUDGET -- Sinabi ni Sen. Tito Sotto na noong siya raw ang Senate president noong 18th Congress ay wala raw mambabatas na nakapagpalusot o nakasingit na pork barrel sa national budget.
Tila hindi tatantanan ni Tito Sen. sa isyu ng insertion si SP Escudero dahil ang pinasasaringan niya sa statement niyang ito ay ang incumbent Senate president, kasi nga silang dalawa ni Sen. Ping Lacson ang nagbulgar sa publiko na higit P142 billion ang isiningit nitong (SP Escudero) pork barrel sa 2025 national budget, boom!
XXX
DAPAT SI SEC. DAVE GOMEZ ANG MASIBAK HINDI ANG TV HOST MIKE ABE NA NAGBULGAR NG KATIWALIAN SA PCO -- Matapos ibulgar ni PTV 4 program host Mike Abe ang mga katiwalian daw sa Presidential Communications Office (PCO) ay “forthwith” o agad-agad siyang sinibak ni PCO Sec. Dave Gomez.
Dahil sa ginawang ito ni Sec. Gomez, dapat sibakin siya ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM), kasi dapat ang nagbubulgar ng katiwalian sa isang ahensya ng pamahalaan ay pinuproteksyunan, at hindi sinisibak, period!
XXX
GUNI-GUNI LANG NG SWS ANG SURVEY NITO NA 35% MAMAMAYANG PINOY GUMANDA ANG PAMUMUHAY SA PANAHON NG MARCOS ADMIN -- Napakaimposible ang isinapublikong survey ng Social Weather Stations (SWS) na kesyo 35% daw ng mamamayang Pilipino ang gumanda ang pamumuhay sa ilalim ng Marcos administration.
Ang dami kasing nagiging biktima ng baha dahil sa flood control projects scam, tapos para sa SWS gumanda raw ang pamumuhay ng 35% mamamayang Pinoy.
Kung nasabi ni PBBM na “guni-guni” lang ang mga natuklasang ghost project ng mga ‘walanghiyang’ kontraktor, eh maituturing na “guni-guni” rin ang survey ng SWS na gumanda na ang pamumuhay ng 35% mamamayang Pinoy sa panahon ng Marcos admin, boom!
Comments