top of page

Survey firms, pahiya ang inabot sa katatapos na 2025 election

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 5 hours ago
  • 2 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | May 14, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez

MGA SURVEY FIRMS, SABLAY ANG SENATORIAL SURVEY -- Malaking kahihiyan sa publiko ang inabot ng mga survey firms patungkol sa mga senatorial surveys na kanilang isinasapubliko.


Sina former Senators Bam Aquino, Kiko Pangilinan, Sen. Imee Marcos at Sagip Partylist Rep. Rodante Marcoleta ay laging hindi nila isinasama na pasok sa top 12 senatorial survey, pero nang matapos ang bilangan ng boto, wagi sila at pasok pa sa top 12 na nanalong mga senador.


Dahil diyan, malamang sa mga darating na eleksyon, wala nang maniniwala sa mga survey dahil nasira ang kanilang kredibilidad sa nagdaang May 12, 2025 election, period!


XXX


MALAMANG KASAMANG MAMALASING MATALO SA PAGKA-SENADOR SI SEN. ROBIN PADILLA KUNG NGAYONG 2025 ELECTION SIYA KUMANDIDATO -- Minalas na matalo sa pagka-senador ang mga sikat na artistang sina reelectionist Sen. Bong Revilla, Willie Revillame at Philip Salvador.


Sinuwerte pa rin si action star, Sen. Robin Padilla at noong 2022 election niya naisipang kumandidato sa pagka-senador kasi kung ngayon siya tumakbo, sigurado kasama siya sa mamalasing matalo sa 2025 senatorial election, boom!


XXX


MAS MAGIGING PALABAN SI VP SARA KONTRA SA MARCOS ADMIN DAHIL PAMUMUNUAN NA RAW NIYA ANG OPOSISYONG MAY PRINSIPYO -- Matapos manalo sa pagka-senador sina Sen. Bong Go, Sen. Ronald Dela Rosa, Sagip Partylist Rep. Rodante Marcoleta, Las Piñas City Rep. Camille Villar at Sen. Imee Marcos ay nangako si Vice Pres. Sara Duterte-Carpio na pamumunuan niya ang may prinsipyong oposisyon.


Hindi man aminin ay tiyak may pangambang naramdaman diyan si Pres. Bongbong Marcos (PBBM), dahil sa tema ng pananalita ng bise presidente ay tila mas lalo itong magiging palaban sa Marcos administration, period!


XXX


BAKA DOBLE-SAKIT NG ULO ANG ABUTIN NI PBBM DAHIL 2 NA ANG OPOSISYON SA KANYANG ADMINISTRASYON -- Ikinatuwa ni Sen. Risa Hontiveros ang pagkapanalo sa pagka-senador ng mga kaalyado niyang sina former Senators Bam Aquino at Kiko Pangilinan at Atty. Chel Diokno ng Akbayan Partylist at former Sen. Leila De Lima ng ML Partylist, na ayon sa senadora ay lalakas na ang totoong oposisyon sa Senado at Kamara.


Aba teka, baka magdoble-sakit ng ulo na ang abutin niyan ni PBBM dahil dalawa ang oposisyon sa kanyang administrasyon, oposisyong pamumunuan ni VP Sara at oposisyong pinamumunuan ni Sen. Hontiveros, boom!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page