Search
  • BULGAR

Supply ng ligtas at epektibong mga bakuna ang kailangan ng mamamayan!

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | January 20, 2021



Huwag nating kalimutan ngayong bagong taon, patuloy pa rin ang ating laban sa COVID-19. Kaya manatili tayong ligtas at sumunod sa mga health protocols para maging maayos ang ating kalusugan.


Patuloy tayo sa pagpapaalala na ibigay ang ating buong tiwala sa pamahalaan, lalo na sa pagkuha ng mga bakuna laban sa COVID-19, dahil interes at buhay ng bawat Pilipino ang ating inuuna palagi.


Alam nating maraming natatakot at nagdadalawang-isip dahil sa mga haka-hakang umiikot tungkol sa bakuna. Magtiwala sana tayo sa gobyerno dahil alam nating naging masusi ang pagtrabaho ng mga opisyal ng ating pamahalaan para maibigay ang sapat, dapat, at angkop na serbisyo para sa kabutihan ng bansa.


Mahalaga bilang mamamayan, maging responsable at mapagbantay tayo sa pagtanggap at pagkalat ng impormasyon dahil nakasalalay dito ang ating pagbangon bilang mas matatag at nagkakaisang bansa.


Gusto nating idiin na hindi pa tapos ang ating laban sa pandemya. Meron pa ring virus at ang bakuna na ating kailangan ay solusyon upang malampasan natin ang krisis na ito. Ito ang pag-asa natin para makabalik sa normal na pamumuhay.


Ang pagkuha ng sapat, epektibo at ligtas na bakuna ay simula pa lang. Siguraduhin din nating makakabenepisyo ito sa lahat, kung kaya’t patuloy ang ating paalala na unahin ang mahihirap, vulnerable sectors, at frontliners. Huwag din nating pabayaan ang mga nasa malalayong lugar.


Ang kalusugan at kaligtasan ng bawat Pilipino ay nasa sentro ng ating programa. Ito ang responsibilidad na ginagampanan natin palagi.


Nakakalungkot na marami pa rin tayong mga kababayan na hindi pa rin sapat ang kaalaman sa mga bakuna. Kaya dapat ang pamahalaan ay lalo pang magsumikap sa pagsasagawa ng information campaign tungkol sa mga bakuna at sa ating COVID-19 vaccine roadmap.


Intindihin din nating ginagawa ng gobyerno ang lahat ayon sa batas para makakuha ng sapat na supply ng ligtas at epektibong mga bakuna. May sinusunod din tayong mga patakaran at proseso sa negosasyon at kasama na riyan ang mga Non-Disclosure Agreements with pharmaceutical companies.


Kaya, bilang Chair of the Senate Committee on Health, pinapaalalahanan natin ang mga awtoridad na siguraduhing bawat piso ng pondo ng bayan ay hindi nasasayang, lalo na sa panahon ng krisis. Parte ng mandato nila na mayroong maayos na accounting at sa tamang panahon, dapat malaman ng publiko kung magkano at paano nagastos ang pera ng bayan para sa bakuna.


Nakikiusap din tayo sa mga LGU at pribadong sektor na ipagpatuloy ang inyong mga mabubuting gawain para matiyak na ang bawat Pilipino ay makakakuha ng ligtas at epektibo na bakuna. Hindi kaya ng pambansang pamahalaan na solusyunan ito na mag-isa. Kailangan ang tulong ng bawat isa para masigurong walang Pilipinong mapapabayaan.


Matuto na tayo sa pinagdaanan noong nakaraang taon, tulad ng hirap ng pagpapamigay ng Social Amelioration Program.


Huwag na nating pahirapan pa dahil lahat tayo ay nagmamadali rito. Itong bakuna ang hinihintay natin para unti-unti tayong makabalik sa normal na pamumuhay. Kaya para sa mga nagkakalat ng maling impormasyon o nananamantala sa kahirapan ng ating mga kababayan, sana ay tumulong nalang kayo at maging parte ng solusyon kaysa dumagdag pa sa pasakit ng taumbayan.


Kung walang katapusan ang pagdududa, as legislators, why don’t we legislate a law, not only to prepare for adverse events, but also against those who are taking advantage of the situation — para guarded lahat at may penalties. Ikulong o isama sa death penalty — ‘yung mga nangsasamantala riyan at nagkakalat ng maling impormasyon, dapat kayo ang unang turukan — by lethal injection!


Lahat tayo ay may bahagi sa solusyon laban sa COVID-19. Kaya patuloy lang dapat ang ating pakikiisa para magwagi bilang nagkakaisang bansa. Magtulungan na lang tayo. Magbayanihan tayo!

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.