top of page

Suportahan ang bawat Pilipinong nagsisikap na makamit ang pangarap

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jun 1, 2024
  • 4 min read

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | June 1, 2024



Bisyo Magserbisyo ni Bong Go


Sa hilig ng bansa natin sa sports, marami sa ating mga kabataan ang nangangarap na maging atleta at maging tanyag sa professional sports. 


Bilang chair ng Senate Committee on Sports at isa ring sports enthusiast, sinisikap nating mabigyan ang ating mga kababayan ng oportunidad na makamit ang kanilang pangarap sa buhay lalo na ang mga kapus-palad.


Kamakailan, nasa Kayapa, Nueva Vizcaya ang inyong Senator Kuya Bong Go para maghatid ng kaunting tulong sa mga nawalan ng hanapbuhay. Doon ko nakilala ang siyam na taong gulang na si Japeth Gamson ng Sitio Tawang, Barangay Besong. Agad kong napansin si Japeth dahil wala siyang anumang suot sa paa. Kuwento niya, tulad daw ng inyong Kuya Bong Go ay mahilig din siyang mag-basketball. Kapangalan pa nga niya ang isa pa nating kaibigan na kilalang elite basketball player.


Ang problema ng batang si Japeth, ni minsan ay hindi raw siya nagkaroon ng bola at sapatos na pang-basketball.


Labis na naantig ang kalooban ng inyong Mr. Malasakit. Kaya naman agad nating binigyan si Japeth ng basketball at sapatos. Pero ang pinakadalangin ng inyong Kuya Bong Go — sana’y nabigyan natin siya ng pagkakataon na masimulan ang pagtupad niya sa kanyang pangarap na maging atleta.


Kapag may mga batang tulad ni Japeth na may pangarap, tungkulin natin na bigyan sila ng pag-asa at mga oportunidad na magtagumpay. Ang kailangan nila, hindi lang tulong, kundi isang fighting chance para maging champion sa buhay.


Nang maghatid naman tayo ng tulong sa mga taga-Caloocan City noong May 30, nakita ko ang mga kabataang naglalaro ng basketball. Nakipaglaro ako sa kanila. Bukod sa mabisang paraan ito para matutunan nila ang teamwork at disiplina, mapapanatili pa nilang malusog ang katawan at mapapalayo sila sa masamang bisyo tulad ng droga. Binigyan din natin ng mga bola ang mga bata sa Caloocan City. Ang ilan ay nabigyan pa natin ng sapatos.


Ang ating mga naging inisyatiba sa Kayapa at Caloocan City ay bahagi lang ng ating mas malaking commitment na suportahan ang sports bilang bahagi ng youth development. Tayo ang may-akda at co-sponsor sa Senado ng Republic Act No. 11470, na nagtatag ng National Academy of Sports sa New Clark City. Nagkakaloob ang NAS ng secondary education kung saan naka-integrate ang specialized sports curriculum, para mapagsabay ang ensayo at pag-aaral nang walang nasasakripisyo.


Principal sponsor din tayo ng Senate Bill No. 2514, o ang panukalang Philippine National Games (PNG) Act, na naglalayon na ma-institutionalize ang isang komprehensibong national sports program upang palawakin ang grassroots sports development. Pumasa na ito sa pinal na pagbasa sa Senado.


Mula May 22 hanggang 25, inalalayan ng aking tanggapan ang sports festival ng Mindanao State University sa Lanao del Norte kasama ang Philippine Sports Commission at ang tanggapan nina Sen. Sonny Angara at Sen. Pia Cayetano. Sinuportahan din natin ang Youth Inter Barangay Sports League sa Mallig, Isabela na magsisimula sa June 4.


Saludo naman ako sa ating team Alas Pilipinas na nagwagi ng bronze laban sa Australia sa ginanap na 2024 Asian Volleyball Confederation Challenge Cup for Women kamakailan sa Maynila. Katuwang ang Philippine Sports Commission, nagpahayag tayo ng inisyatiba na mabigyan ng PhP200,000 bawat qualified player and coaching staff ng ating women’s volleyball team.


Samantala, sinaksihan natin ang turnover at ribbon cutting ceremonies ng itinayong Super Health Center sa Kayapa, Nueva Vizcaya noong May 29. Inayudahan din natin ang 500 residenteng nawalan ng hanapbuhay, na sa ating suporta ay mabibigyan ng pansamantalang trabaho ng DOLE. Sinaksihan natin ang inagurasyon ng itinayong Kayapa Municipal Hall na ating isinulong na mapondohan noon. Nagpapasalamat naman tayo kay Mayor Elizabeth Balasya at sa kanilang konseho sa pagdedeklara sa atin bilang adopted son ng Kayapa at pinangalanan akong “Lacbongan”, hango sa pangalan ng isang magiting na lider ng tribong Kalanguya.


Katuwang sina Quezon City Mayor Joy Belmonte at Councilor Mikey Belmonte, personal tayong namahagi ng tulong noong May 30 sa 1,000 residente sa lungsod na nawalan ng hanapbuhay, bukod pa sa tulong mula sa DOLE. Nagsagawa rin tayo ng katulad na relief effort sa Caloocan City katuwang naman si Mayor Along Malapitan at nasuportahan ang 1,000 residenteng nawalan ng kabuhayan.


Sa Mandaluyong City naman tayo namahagi ng tulong kahapon, May 31, at naalalayan ang 500 residenteng nawalan ng trabaho katuwang si Mayor Ben Abalos; at 500 pa kasama naman si Congressman Boyet Gonzales, bukod sa programa mula sa DOLE.


Binisita natin ang ating mga kapwa-Batangueño at sinaksihan ang turnover ceremony ng ambulansya para sa Tanauan City at Alitagtag  sa Batangas; at Luisiana sa Laguna na ating isinulong para sa kanila. May dagdag-tulong din tayo sa 505 na taga-Tanauan na nawalan ng pagkakakitaan, na nabigyan din ng DOLE ng tulong; at para na rin sa 58 na naging biktima ng sunog sa bayan na iyon.


Nakarating naman ang aking Malasakit Team sa iba’t ibang komunidad para alalayan ang iba pa nating kababayan na nangangailangan tulad ng 300 indigent students sa Santo Tomas, at 536 sa San Luis sa Pampanga kaagapay si Congresswoman Anna York Bondoc; 1,148 na mahihirap sa Rizal, Nueva Ecija katuwang si Cong. GP Padiernos; 200 sa Pasig City; 826 residente mula sa iba’t ibang bayan ng Lanao del Norte katuwang sina Governor Angging Dimaporo at mga board members; 500 sa Baroy, Lanao del Norte katuwang sina Sen. Francis Tolentino at Mayor Grelina Lim.


Tuloy rin tayo sa pagtulong sa mga nawalan ng hanapbuhay tulad ng 500 sa Parañaque City katuwang si Cong. Gus Tambunting; 73 sa Muntinlupa City katulong si Councilor Raul Corro; 531 sa Santa Ignacia, Tarlac kaagapay si Governor Susan Yap; at 534 sa Biñan City, Laguna kabalikat sina Cong. Len Alonte at Vice Mayor Gel Alonte. Ang mga benepisyaryo ay mabibigyan din ng DOLE ng pansamantalang trabaho.


Nagbigay din ang aking opisina ng tulong sa 14 residenteng nasunugan sa Tubod, Lanao del Norte katuwang si Mayor Cabahug; at sa 237 TESDA graduates sa Iligan City katuwang ang Asian TechHub Academy.


Sama-sama nating suportahan ang bawat Pilipinong nagsisikap na makamit ang kanilang pangarap sa buhay. Bilang inyong Mr. Malasakit, patuloy akong tutulong sa abot ng aking makakaya dahil bisyo ko ang magserbisyo at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.



Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page