top of page
LET’S SEE - MIKA AT WILL, BUKING NA LUMIPAD PA-HK_Reddit.png

Sunud-sunod man ang mga unos, kapit lang tayo!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Nov 17, 2020
  • 2 min read

ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | November 17, 2020



Bakit binaha nang husto ang Cagayan province? Ayon sa mga residente, ito na ang pinakamasamang pagbabaha sa loob ng 40 taon, kung saan napakalawak ng pinsalang idinulot nito. Marami ang hindi handa para sa ganitong uri ng delubyo. Pati ang mga lokal na pamahalaan sa Cagayan ay hindi rin handa, maging sa pambansang pamahalaan o sa pribadong sektor.


Ang unang sinisi ay ang pagpakawala ng tubig ng Magat Dam. Ang Magat ang siyang nagsu-supply ng tubig para sa mga lupaing agrikultura sa lalawigan at may kakayanang 360 megawatts ang hydroelectric plant nito kung kapusin ang pangangailangan ng Luzon. Dahil sa ulan na dala ng Bagyong Ulysses, napilitang magpakawala ng tubig ang Magat dahil mas peligroso kung pababayaan itong umapaw—ganito ang lahat ng dam sa mundo. Hindi puwedeng pabayaang umapaw dahil baka gumuho ang dam. Kapag mangyari ito ay mas malaki ang pinsalang mangyayari.


Pero ayon sa tagapagsalita ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), hindi ang pagpakawala ng tubig ng Magat Dam ang dahilan ng malawak na pagbabaha kundi ang pag-apaw ng Cagayan River dahil sa halos walang tigil na pag-ulan na dulot ng bagyo. Nababad nang husto ang mga lupain sa Cagayan Valley kaya sa ilog dumiretso ang tubig-ulan. Ang Cagayan River ang pinakamahaba at pinakamalaking ilog sa Pilipinas pero dahil sa sunud-sunod na bagyo at halos isang buwang pag-uulan, hindi na kinaya ng ilog kaya umapaw sa lupain.


Isa’t kalahating buwan na lang ay matatapos na ang 2020. Napakahirap ng pinagdaan ng ating bansa—ng mamamayan. Nagsimula sa pagsabog ng Bulkang Taal noong Enero, sinundan ng pandemya noong Marso at mukhang magtatapos sa mga bagyo.


Paniguradong marami ang nais palipasin na ang taong ito. Siguradong marami ang nais magdiwang ng masayang Pasko. Pero dahil sa pandemya na hindi pa nawawala, baka ibang Kapaskuhan ang mararanasan natin. Huwag nating kalimutan ang mga kapamilya nating nasalanta ng sunud-sunod na bagyo, ang iba ay hindi pa nakakabangon.


Tulungan natin sila sa kahit anong paraan. Sa panahon ngayon, walang maliit na tulong na mabibigay sa kanila.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page