Sunog sumiklab sa palengke, 5 natusta

by Jeff Tumbado @News | October 26, 2026

Photo: Sunog sa Sorsogon City Public Market - City Boi Adventure FB
Limang katao ang pinangangambahang nasawi sa sunog na tumupok sa Sorsogon City Public Market nitong Sabado ng gabi, Oktubre 24, habang nahihirapan ang mga emergency responders na tukuyin ang posibleng mga biktima dahil sa matinding pagkasunog ng kanilang mga labi.
Ayon kay FO1 Vanessa Fullion, radio operator ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa Sorsogon City, pinaniniwalaang mga may-ari ng puwesto sa palengke o mga taong naroon lamang ang mga posibleng nasawi.
Gayunman, hindi pa natutukoy ang kanilang mga pagkakakilanlan habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ng PNP.
Ayon kay Fullion, nagsimula ang sunog alas-10 hanggang alas-11 ng gabi noong Sabado.
Umabot sa ikalawang alarma ang sunog, dahilan upang rumesponde ang pitong fire truck mula sa mga karatig-bayan.
Idineklara na ganap nang naapula ang sunog alas-2 ng madaling-araw nitong Linggo.
Gayunman, nagpapatuloy pa rin ang clearing operations upang matiyak na hindi na muling magliyab ang lugar.
Patuloy pang inaalam ng mga awtoridad ang sanhi ng sunog, habang isinasagawa rin ang pagtataya sa halaga ng pinsalang iniwan nito.





Comments