Sumunod sa mga patakaran para maiwasan ang hawahan
ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | March 24, 2021
Muli na namang lumobo ang bilang ng COVID-19 cases sa ating bansa. Dahil dito, kinailangang magpatupad ang pamahalaan ng mas mahihigpit na mga hakbang, lalo na sa Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal.
Nakikiisa tayo sa gobyerno na hanapan ng balanse ang pagprotekta ng mamamayan mula sa COVID-19 at ang patuloy na pagtakbo ng ating ekonomiya. Mahalaga ang pagpapatupad ng mga additional restrictions upang maiwasan natin ang mas lalong pagkalat ng virus habang nananatili ang pagtakbo ng ilang mahahalagang sektor at industriya.
Alam nating marami sa inyo ay hirap na hirap na, ngunit nakikiusap tayo sa lahat na magtulungan tayo upang tuluyang matigil ang pagkalat ng COVID-19. Mag-ingat tayo at huwag magpakampante. Malayo na ang ating narating at hindi natin dapat balewalain ang mga sakripisyong ating ipinundar nitong nakaraang taon.
Umaapela rin tayo sa gobyerno na hanapan ng paraan na mabigyan ng dagdag-ayuda ang ating mga kababayang nangangailangan. Isama natin lahat ng mahihirap. Ngayon na mayroon ulit na mga mahigpit na patakaran, gawin natin ang lahat ng ating makakaya para pagaanin ang pasakit na kanilang dinadala.
Ang importante ngayon, mailigtas natin ang buhay ng mga Pilipino at mapigilan ang mabilis na pagtaas ng bilang ng mga nagkakasakit habang patuloy ang ating pagbabakuna dahil sa kabila ng mga suliranin ng limitadong supply ng bakuna sa buong mundo, sinisikap ng ating pamahalaan na patuloy ang pagdating ng bakuna sa ating bansa.
Ngayong linggo lamang inaasahan natin ang pagdating ng karagdagang supply ng Sinovac mula China. Bukod pa rito, inaasahan din nating darating na sa susunod na mga buwan ang karagdagang doses mula sa iba pang manufacturers upang patuloy na maipatupad ang ating National Vaccine Roadmap.
Ang supply na ito ay magbibigay sa atin ng 3.5 million doses bago ang kalagitnaan ng taon, sapat para bakunahan ang ating higit 1.7 million na healthcare workers. Pagkatapos ng ating frontliners, isusunod naman natin ang iba pang essential workers, vulnerable sectors, kasama ang senior citizens at hindi natin pababayaan ang mahihirap nating kababayan. Sisiguraduhin nating kasama sila sa mababakunahan at walang maiiwan sa ating muling pagbangon.
Sa ngayon, muli tayong umaapela sa inyong lahat na kapag dumating na ang bakuna sa inyong komunidad at kayo na ang babakunahan base sa ating priority list, huwag matakot dahil ang bakuna ang solusyon sa pandemyang ito at ang susi tungo sa pagbalik sa normal na pamumuhay.
Dahil sa mga suliranin natin ngayon, nakita rin natin na dapat bigyang-importansiya ang mga programa natin sa kalusugan. Kaya bilang Chair ng Senate Committee on Health, patuloy tayong ipinaglalaban ang pagkakaroon ng access ng mga Pilipino sa abot-kaya at de-kalidad na serbisyong medikal.
Panahon na para palakasin ang kapasidad ng bansa na makapag-develop at mag-manufacture ng sarili nating gamot at bakuna para hindi na tayo hirap sa paghingi o pagbili mula sa ibang bansa sa susunod na mga krisis pangkalusugan. Tiwala tayo sa husay at galing ng mga Pilipinong dalubhasa sa siyensiya at medisina. Kailangan lang talaga sila bigyan ng tamang oportunidad at direksiyon, at sapat na pondo, suporta, at atensiyon.
Habang naghihintay tayo sa pagdating ng mga karagdagang bakuna, huwag nating kalimutan na sumunod sa health protocols, tulad ng paghugas ng mga kamay, pagsuot ng mask at face shield, social distancing at pananatili sa loob ng bahay kung hindi naman kinakailangang lumabas. Tandaan na ang inyong pagsunod sa mga patakaran at ang inyong kooperasyon ay makapagliligtas ng buhay ng kapwa nating Pilipino.
Lahat tayo ay parte ng solusyon. Hindi ito panahon para magsisihan. Ito ang panahon para mas lalong paigtingin ang ating bayanihan. Magmalasakit tayo sa kapwa para sa ikabubuti ng buong bansa. Sino pa ba ang magtutulungan kundi tayo ring mga kapwa Pilipino!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.





Comments