top of page

Sumasalimuot ang kaso dahil nahahaluan ng pulitika at personal

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 6 hours ago
  • 2 min read

ni Ka Ambo @Bistado | November 22, 2025



Bistado ni Ka Ambo



Nagkakaproblema at sumasalimuot ang imbestigasyon sa talamak na katiwalian sa gobyerno dahil sa pagbanggit ng mga personalidad.


Ibig sabihin, isa-isantabi muna ang “character” o mga pangalan ng nasasangkot sa multi-bilyong pisong corruption upang makita nang maayos ang larawan o perspektibo ng sitwasyon.


----$$$--


NAGIGING pulitika at personal ang mga impormasyon at argumento kapag hinaluan ng personalidad.

Ibig sabihin, obhektibo at teknikal dapat ang mga pagtaya, opinyon o impormasyon na inilalabas.


-----$$$--


KAPAG walang personalidad na inililitaw, maiiwasan na akusahang “pulitika” o “personal” ang imbestigasyon o pagsisiyasat.

Halimbawa, magkasundo muna sa mga impormasyon kinakatigan ng bawat panig.

Ito ay upang mabilis na matukoy kung ano ang naganap, aktuwal na nagaganap — at magiging resulta sa hinaharap.


----$$$--


GANITO ang mas maayos na diskarte kaugnay ng masalimuot na katiwalian.

Una, nagkakaisa ang lahat ng panig — na may “aktuwal na pandarambong, technical man o hindi isang technical malversation na naganap, nagaganap at magaganap pa”.

Ikalawa, nagkakaisa ang lahat na sangkot ang ilang opisyal o kawani o tauhan ng DPWH (nagkakaisa rin na hindi 100 percent ng personnel ng DPWH ay sangkot para ingatan ang reputasyon ng department).


-----$$$--


IKATLO, dawit sa katiwalian ang Kongreso — Senado at Kamara ng mga Representante (hindi lahat ng senador at hindi rin lahat ng kongresista).

Walang debate r’yan!


-----$$$--


IKAAPAT, sangkot din at kakutsaba ang ilang personnel — high ranking at rank-and-file — ng Department of Budget and Management (DBM).

Ikalima, dawit din ang opisina ng Office of the President na ikinakatawan ng opisina ng Executive Secretary (hindi rin lahat ng personnel).


----$$$--


IKAANIM, sangkot ang ilang pribadong kontraktor.

Ikapito, involved din ang staff at opisyal ng Commission on Audit (COA) — partikular ang ilang resident auditor.


-----$$$--


IKAWALO, sangkot din ang ilang pribadong tao — gaya ng mga bodyguards, security o personal assistant o maging mga tsuper.

Ikasiyam, dawit din ang ilang staff ng mga bangko sa “pagtanggap at paglalabas” ng hindi ordinaryong bulto ng salapi.


-----$$$-


PANSAMPU, alamin ang mismong iskema o modus operandi — at tukuyin kung ang “kutsabahan” ay naganap din bago ang Marcos Jr. administration.

Sa 10 diskarte na tinukoy natin — nang walang binabanggit na “aktuwal na pangalan” — matutukoy natin nang mas malinaw at mabilis — ang ugat, iskema at solusyon ng problema.


-----$$$--


MAS makikita ang perspektibo ng talamak na corruption kapag wala munang tinutukoy na mga “pangalan” — markahan na lamang ito ng Mr. A, Ms. B o Madame X.

Ano ang gagawin sa mga “personalidad na aktuwal na sangkot” sa katiwaliang ito?Iyan na mismo ang “trabaho at responsibilidad ng Ombudsman, hukuman, NBI at ibang ahensya: Kilalanin at kasuhan ang mga personalidad — batay sa ebidensya at testimonya na makakalap.


----$$$--


Nagkakagulo at sumasalimuot ang kaso — dahil nahahaluan ng pulitika at personal.

Malinaw na hindi kasama rito ang “isyu ng paggamit ng droga” — malayong-malayo iyan sa kaso ng katiwalian.

Kumbaga, “ibang usapan ‘yan”!



Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page